Â
Nagpapagaling sa ospital ang isang pulis na driver ng mobile matapos itong maaksidente sa national highway sa Barangay Iraan, Aborlan, habang nagreresponde sa isang pang aksidente noong September 19.
Kasalukuyang nasa ospital pa sa lungsod ngayon ang 50 anyos na biktimang si P/SSg. Antonio Miguel Santos ng Philippine National Police (PNP), na nakadestino sa nasabing bayan, at driver ng patrol car matapos mabangga ito ng isang pangpribadong sasakyan sa lugar hindi kalayuan mula sa Iraan bridge.
Ayon sa panayam ng Palawan News kay P/Maj. Benigino Conde, hepe ng Aborlan station, may aksidente sanang ri-respondihan sila Santos kasama ang imbestigador na si P/Msg. Teddy Palces, pero sa hindi inasahang pagkakataon, habang sila ay patungong Sitio Mailigan para sa nasabing operasyon ay bigla na lamang silang nabangga ng isang sasakyan na minamaneho naman ni Maphil Sarusad, 26, aplikante ng Philippine Coast Guard (PCG) at kasalukuyang residente ng Brgy. Esrella sa bayan ng Narra.
“Nag-responde ang ating mobile car doon sa vehicular accident din sa may sitio Mayligan ng brgy. Iraan at ito namang suzuki kotse ay galing sa Puerto. Pagdating diyan sa paakyat ng Iraan bridge iyong may mahabang tulay po iyan diyan, iyong kotse na Vitara Suzuki ay bahagyang nahulog ang kanyang gulong sa gutter (kanang bahagi ng kalsada) kaya noong pagkabig niya, pagbalik niya sa pwesto sa kalsada, doon na siya na-miscalculate at nabunggo niya ang sasakyan,” ang sabi ni Conde.
Ayon pa kay Conde, talagang napuruhan si Santos sa aksidente dahil sa kanya banda tumama ang sasakyan ni Sarusad. Hinala nila na baguhan pa ang suspek sa pagmamaneho kaya ito nangyari.
“Ang driver ang napuruhan dahil ang tama ng pagkabangga sa kanila ay bandang left side. Tinamaan siya sa kanyang tagiliran sa bandang tiyan sa may ribs. Dinalas siya Cooperative Hospital at awa ng Diyos ay nagpapagaling narin siya doon, hanggang ngayon. Iyong investigator ay nakalabas din agad ng Medicare Hospital noong gabi ring iyon. Iyong nakabangga naman ay gasgas lang sa tuhod ang tinamo pero dinala parin sa advenstist hospital sa Puerto para ipasuri,” sabi pa ni Conde.
“Kung hindi mo kasibisado na ang tulay ay pakaliwa, talagang lalagpas ka talaga sa gutter. Siguro bago palang itong driver dahil ang gulong niya nahulog”, dagdag niya.
Inamin naman ni Sarusad sa mga awtoridad na bahagyang nahulog ang sasakyan nito sa kanal ng tulay subalit hindi na nga nito nakontrol ang sasakyan pabalik sa dapat na daan nito at nabunggo nalang doon sa sasakyan ng mga biktima.
Hinahanda na ngayon ng mga awtoridad ang mga dokumento para sa proseso ng imbestigasyon. Ayon pa kay Conde unahin muna ang pagpapagamot ng kanilang kasamahan bago ito sumabak sa proseso tungkol sa insedente.
Ang Paalala ni Conde, dumaan muna sa mga tamang proseso bago magkaroon ng lakas ng loob sa pagmamaneho upang maiwasan ang anumang uri ng aksidene sa kalsada.
“Kailangan po dumaan po tayo sa tamang proseso bago magmaneho. Dapat naka-konsisyon ang sasakyan natin at ang katawan ng driver. Sundin po natin ang batas trapiko at huwag magmadali dahil ang pinupuntahan naman natin ay hindi umaalis , lalong-lalo na iwasan ang magmanehong nakainom ng alak,” ayon sa kanya.
(With a report from Jayra Joyce Taboada)