TORRIJOS, Marinduque — Nagkaisa ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Office of the Lone District of Marinduque sa paglilinis ng karagatan kasama ang mga lisensyadong scuba divers.
Ang paglilinis ng karagatan ng Poctoy ay tinawag na “SCUBAsurero”. Layunin nito na pulutin sa ilalim ng dagat ang basura at ilagay ang mga ito sa tamang basurahan.
Karamihan sa mga napulot ng mga lisensyadong scuba divers ay mga plastik na madalas na nakakain ng mga isda at iba pang lamang-dagat .
Ang proyektong ito ay isinagawa bilang pakikiisa sa Month of the Ocean kasama ang lokal na pamahalaan ng Torrijos.
Bukod sa paglilinis ng karagatan ay layunin din nito na mapanatili ang sigla ng mga coral reef na nagsisilbing tirahan ng mga isda.
Nakiisa sa paglilinis ng dagat sina Provincial Environment and Natural Resources Provincial Manager Imelda Diaz at Marinduque Representative Lord Allan Q. Velasco.
Iminungkahi naman ni Velasco sa Provincial Environment and Natural Resources Office na gawin ang SCUBAsurero tuwing makatapos ang tatlong buwan. (PIA-Mimaropa/Marinduque)