Nais ilapit ng Palawan Police Provincial Office (PPPO) sa higher headquarters ang pangangailangan ng mga Municipal Police Station (MPS) ng bangka na magagamit nila sa kanilang mga operasyon.
Ayon kay P/Col. Frederick Obar, ang provincial police director ng Palawan, limitado ang galaw ng mga pulis sa mga lugar dahil sa kawalan ng mga water assets at hindi rin umano nila inaasahan ang mga local government units (LGUs) dahil na rin sa posibleng may ibang priority ang mga ito.
“Isa yan sa sina-suggest namin sa regional office, ang mabigyan kami ng mga bangka na magagamit. Kasi, ang nakikita kong lead sa ibang island municipalities ay ang bigyan sila ng bangka, ‘yung kayang tumawid ng ibang isla, at pwede sa malakas na alon, kaysa bigyan sila ng mga patrol car,” pahayag ni Obar.
Ilan sa mga MPS na prayoridad ng PPPO na mabigyan ng bangka ay ang mga nasa bayan ng Busuanga, Coron, Linapacan, Cuyo, Agutaya, at Magsaysay sa bahaging norte ng lalawigan, lalo na at ang mga karamihang kaso rito ay nasa dagat.
Matatandaan din na nitong nagdaang Mayo 10, kabilang sa mga nabanggit ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang Taytay, Cuyo, Magsaysay, Linapacan at Coron na kasama sa 20 munisiyo sa bansa na talamak ang iligal na pangingisda at nabigyan ng tanggapan ng warning ang mga LGU officials para gawin ang kanilang mandato.
Ayon kay Obar, sa kabila ng walang sariling bangka ang mga pulis ay tuloy-tuloy ang kanilang mga seaborne patrol operations sa mga karagatan at marami na ring iligal na mga mangingisda ang nahuli ng pulisya.
Sa datos ng PPPO, simula buwan ng Enero hanggang kalagitnaan ng buwan ng Mayo, umabot sa 39 na anti-illegal fishing operations ang naisagawa nila sa buong lalawigan at 485 katao naman ang naaresto dahil sa mga ito.
Sa Linapacan, nakapagsagawa ng anim na operasyon kung saan 187 ang naaresto, samantalang anim na operasyon din sa munisipyo ng Cuyo kung saan may 73 katao ang naaresto.
Sa bayan naman ng Magsaysay, 57 mangingisda ang naaresto sa tatlong operasyon, at tatlo naman ang nadakip sa isang operasyon sa Taytay.
Hindi naman makapagsagawa ng operasyon sa dagat ang Coron MPS dahil sa kawalan ng bangkang magagamit at tanging ang Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Police na ang tumututok dito.
“Land-based kasi ang mga tauhan natin sa mga MPS, pero siyempre lagi kaming nakaalalay sa mga ahensiya na nakatutok talaga sa dagat. Sa Coron mayroong Maritime, PCG, at umiikot na dyan ang BFAR at ganoon din sa Taytay,” paliwanag ni Obar.
Samantala, sa bahaging Sur naman ng lalawigan ay prayoridad din ng PPPO na mabigyan ng bangka ang Balabac MPS dahil bukod sa illegal fishing ay talamak din ang Iligal na droga sa ilang mga island barangays doon.
“Isa sa mga concern ko ngayon ay ang Balabac, dahil isa sa tinitingnan ko dito ay ang transportation para sa operation of illegal drugs at walang magagamit na bangka para dito,“ ani Obar.
