Isang araw bago ang filing ng certificate of candidacy para sa mga kakandidato sa halalan sa May 2022 ay maglalagay na ng mga checkpoint na ilalagay ng Philippine National Police (PNP) ng bawat munisipyo para sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa lalawigan ng Palawan.
Ayon sa ipinadalang mensahe ng tagapagsalita ng Palawan Police Provincial Office (PPO) na si P/Maj. Ric Ramos, magiging mahigpit ang mga awtoridad sa pagbabantay sa mga mananakay at mga driver para matiyak ang seguridad maging ang minimum public health standards na pinaiiral upang maging ligtas ang mamamayan.
Susuriing maayos ng pulisya ang lisensya ng driver, dokumento ng sasakyan, at siguraduhing sumunod ang mga pasahero sa mga standard health protocol na ipinaiiral.
“Ang mga police stations natin ay may mga checkpoints na nakalagay sa mga strategic areas ng bawat munisipyo at kasama dito mga mga friendly forces natin. Sa nagaganap na voters registration and itong filing of candidacy, meron na tayong mga nakatalagang mga pulis to maintain peace and order. On top of that may collaboration ito sa mga local COMELEC officers ng bawat munisipyo natin at kinakailangan na masunod ang minimum public health standard,” pahayag ni Ramos
Ayon kay Ramos, sa buong election period, kumpara sa mga nakalipas na local at national election, mas paiigtingingin ng pulisya ang kanilang pagbabantay lalo pa bukod sa kinakailangang mapanatili ang siguridad, at peace and order sa lalawigan ng Palawan, alinsunod sa mandato ng pambansang pulisya, kaialangan ding bigyang pansin ang pademyang kinakaharap.
Dagdag niya, gayong pagpasok ng election period sa buwan ng October, isa rin sa mga binibigyang atensyon ng mga awtoridad ang mga makakaliwang grupo at iba pang mga grupo na posibleng magdulot ng kaguluhan. Kaugnay dito, nakahanda ang PNP at iba pang mga pwersa ng lalawigan.
“In any eventualities, nakahanda ang PNP at kasama natin ang mga friendly forces na meron tayo and even ang mga force multipliers and support groups,” paliwanag niya.
“Lahat ng information ay dumadaan sa validation at nakakalat din po ang mga intel officers natin para sa mga countermeasures,”ayon pa sa kanya.
