Tumatanggap na ng mga aplikante ang Philippine Military Academy (PMA) para sa 2026 entrance examination. Ang pagsusulit para sa mga aplikante mula sa MIMAROPA ay gaganapin sa August 22 hanggang 23.
Ayon sa PMA, isasagawa ang entrance examination sa 48 testing centers sa buong bansa mula July hanggang September bilang unang hakbang sa pagpili ng susunod na batch ng mga kadete.
Sinabi ni Lt. Commander Jesse Nestor Saludo, chief ng PMA Public Affairs Office, na ang aplikante ay dapat natural-born Filipino, physically fit, may mabuting asal, walang asawa at anak, walang legal na obligasyong suportahan ang anak, at walang kinakaharap na kasong administratibo o kriminal.
Maaari ring mag-apply ang mga nagtapos ng senior high school at mga kasalukuyang Grade 11 students. Kailangan din na may general average na hindi bababa sa 85 porsiyento, edad 17 hanggang 22 sa oras ng admission, at may taas na hindi bababa sa 5 feet at hindi hihigit sa 6 feet 4 inches.
PMA Application Portal: https://www.pma.edu.ph/pages/join/application.html
Ang entrance examination para sa Metro Manila, Calabarzon, MIMAROPA, at Bicol Region ay nakatakda sa August 22 hanggang 23.
Hinikayat ni Saludo ang mga aplikante na mag-review sa mathematics, English, verbal at numerical reasoning, at pattern analysis. Ang mga papasa sa written examination ay sasailalim pa sa medical at physical fitness tests, kabilang ang 3.2-kilometer run, push-ups, at sit-ups.
Taun-taon ay tumatanggap ang PMA ng humigit-kumulang 35,000 hanggang 40,000 aplikasyon, ngunit nasa 20,000 hanggang 25,000 lamang ang aktuwal na kumukuha ng entrance examination.
Ang mga papasa ay sasailalim sa apat na taong military at academic training, magkakaroon ng Bachelor of Science in Management major in Security Studies, libreng edukasyon at allowance, at magiging opisyal ng Armed Forces of the Philippines matapos makapagtapos.



