BUENAVISTA, Marinduque, Setyembre 30 (PIA) — Tinatayang 420 pirasong plastic crates ang ipinamahagi sa iba’t ibang asosasyon ng mga magsasaka sa lalawigan ng Marinduque, kamakailan.

Ang nasabing plastic crates na mula sa High Value Crops Development Program ng Department of Agriculture-Mimaropa ay nagkakahalaga ng P419,160.

“Isandaang porsiyento ng farmer’s association sa probinsya ay nabigyan ng plastic crates. Ang pamimigay ay batay sa dami ng magsasakang nagtatanim ng gulay at sa volume ng production nila,” sabi ni Dr. Lucilla J. Vasquez, Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) ng Marinduque.

Isa sa mga nakitang problema ng mga magsasaka sa probinsya ay ang kawalan ng maayos na lalagyan para sa kanilang produkto.

Aniya, madalas ay sa kahon, kaing o sako lamang nilalagay ang mga gulay na dinadala sa mga pamilihan.

“Kada Martes ay nagdadala at nagtitinda kami ng arrowroot cookies at mga gulay sa munisipyo at napakahirap magdala lalo na at sa kahon lamang namin ito dating inilalagay. Nasisira at nade-deform ang mga gulay at nagkakaroon pa ito ng mga sugat,” wika ni Wilfredo Nazareno, presidente ng Bahi Agricultural and Fisheries Association sa Gasan, Marinduque.

Dahil sa pagkasira ng mga produktong gulay, naaapektuhan ang kita ng bawat magsasaka. Bumababa ang presyo nito dahil sa mga gasgas, sugat at pagkalamog.

Sinabi naman ni Marcelino Landig, pangulo ng Mogpog Vegetable Growers Asssociation na may 103 na miyembro, malaking tulong sa kanila ang natanggap na 60 pirasong plastic crates dahil hindi na nagagasgasan ang kanilang mga gulay lalo na ang ampalaya. Nakaayos na ito ng maganda at hindi na maaapektuhan ang ibang gulay kapag nagkakapatong-patong na.

“Kami po ay nagpapasalamat hindi lamang sa crates na naibigay ninyong kahilingan namin kundi na rin sa mga makinarya. Ito po ay malaking tulong sa aming mga magtatanim, ‘yong produksyon namin ay menos ang sira ng gulay dahil sa plastic crates,” pasasalamat ni Landig.

Pasasalamat rin ang nais ipabatid ni Rosalinda Ogalinola ng Caingangan-Bagtingon Vegetable Growers Association sa bayan ng Buenavista dahil sa pirasong plastic crates mula sa kagawaran.

“Sobrang ganda dahil ‘safe’ ang aming mga produkto. Hindi na napipipi kapag isinasakay sa tricycle. Maganda ring dalhin sa palengke dahil kahit wala ng kilohan ay bultuhan na lang ang benta. Maraming salamat sa DA-Mimaropa dahil sa tulong na ibinigay n’yo sa aming asosasyon,” pahayag ni Ogalinola.

Nakatanggap ang anim na munisipalidad ng tig-68 pirasong plastic crates.

Samantala, ang natitirang 12 na piraso ay ipamimigay sa gaganaping gulayan sa barangay.

Ang pamamahagi ng plastic crates ay pinamahalaan ng APCO sa pangunguna ni Dr. Vasquez. (RAMJR/PIA-MIMAROPA)

 

About Post Author

Previous articleBuy directly from farmers, DA tells LGUs
Next articleNPA fighter surrenders