Sumadsad sa panibagong record low ang halaga ng piso kontra dolyar nitong Biyernes dahil sa muling pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng tumitinding sigalot sa Middle East.
Nagsara ang piso sa P61.847 kada US dollar, mas mahina ng 9.7 sentimos kumpara sa dating record low na P61.75 noong nakaraang trading session.
Umabot pa sa P61.85 ang pinakamahinang halaga ng piso bago bahagyang bumawi sa pagtatapos ng kalakalan.
Ayon sa mga trader, muling pinalakas ng tensyon sa Middle East ang presyo ng krudo na umakyat sa mahigit $100 kada bariles, dahilan para mas lumakas ang dolyar at muling ma-pressure ang piso.
Nag-ambag din sa pagtaas ng presyo ng langis ang pag-atake ng mga Houthi sa Yemen sa dalawang Saudi oil tanker sa Red Sea, na nagpalawak sa epekto ng kaguluhan sa isa pang mahalagang ruta ng pandaigdigang kalakalan.
“This development has spiked global oil prices anew which exerted further pressure on the local currency and reignited domestic inflationary concerns,” ayon sa isang trader.
“The exchange rate could test the crucial 62-peso level as Middle East tensions remain elevated,” dagdag pa nito.
Bukod sa tensyon sa Middle East, nakadagdag din sa pangamba ng mga investor ang panibagong banta ng trade war matapos ipahayag ng administrasyon ni US President Donald Trump ang planong magpatupad ng 10% at 12.5% taripa sa imports mula sa 60 trading partners, kabilang ang Pilipinas.
Ayon sa US, hindi umano sapat ang pagpapatupad ng mga bansang ito ng pagbabawal sa mga produktong gawa gamit ang forced labor.
Samantala, sinabi ng mga ekonomista ng ANZ Research na maaaring maging dahilan ang tumitinding inflationary pressure para sa karagdagang monetary tightening sa mga bansang Asyano, kabilang ang Pilipinas.
Inaasahan naman ni Jonathan Ravelas, senior adviser ng Reyes Tacandong & Co., na maaaring maglaro ang piso sa P61.90 hanggang P62.10 kada dolyar sa mga susunod na araw.



