Isang lalaki ang nahuli ng mga awtoridad sa harap ng Water System sa Barangay Tub-tub, bayan ng Brooke’s Point matapos itong maaktuhan na nagbebenta ng pinaghihinalaang shabu, Huwebes ng gabi.
Kinilala ni P/Capt. Ric Ramos, tagapagsalita ng Provincial Police Office (PPO), ang suspek na si Ernesto Severa Jr., 52, Admin Aid 1, at residente lamang sa nasabing bayan.
Nahuli ang suspek matapos itong mabilihan ng mga awtoridad ng isang sachet ng shabu na umaabot sa halagang limandaang piso (₱500) na di kalaunan ay nakumpiska rin ng mga awtoridad mula sa kanya.
Ayon sa panayam ng Palawan News kay P/Major Bernard Dela Rosa, ang nanguna sa operasyon, matagal na umanong ginagawa ng suspek ang ilegal na gawain nito at matagal narin itong pinaghahanap ng mga pulis. At sa unang pagkakataon lamang unang nakulong at nahuli ng mga awtoridad ang suspek dahil umano sa ito ay medyo mabigat na persona.
“Matagal na, mga 20-30 years na (niyang ginagawa ang ilegal na gawain), first time siyang nakulong at nahuli namin,” saad ni Dela Rosa.
Sa ngayon ay nasa Brooke’s Point MPS na ang suspek at humaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at Section 12 ng R.A 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.