Iimbitahan ng Sangguniang Panlalawigan sa susunod na regular na sesyon si provincial health officer Dr. Faye Erika Q. Labrador upang magbigay ng update kaugnay sa patuloy na isinasagawang vaccination roll-out sa buong lalawigan at upang malaman ang kasalukuyang kalagayan ng Palawan may kaugnayan sa COVID-19.

Sa naging privilege speech ni Board Member Ryan Maminta, bilang paghahanda at patuloy na pakikipaglaban umano ng lalawigan sa pandemya, nararapat lamang na mailahad ng Provincial Health Office (PHO) ang lahat ng mga detalye, hakbang at estratehiya na kanilang ginagawa upang maiwasan ang muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 at upang lalo pang mapalakas ng Pamahalaang Panlalawigan ang mga gagawing hakbang at interbensiyon para sa taong 2022, lalo na’t nasa Pilipinas na ang pinangangambahang Omicron variant.

“Sa katotohanan po ang buong Pilipinas ay itinaas na sa High Risk Classification dahil sa pagdoble ng mga kaso sa Metro Manila at iba’t ibang mga lugar. Dito sa atin ay hindi masyado pang nararamdaman pero alam naman natin na naglalakbay nang mabilis kasabay nang pagbukas ng mga panuntunan at ekonomiya ang COVID-19 at lalo’t higit mayroon ng Omicron variant na sinasabi,” aniya.

“Bilang paghahanda at pagpapatuloy ng ating pakikipaglaban sa pandemyang ito, sa tingin ko po dapat ay magkaroon tayo ng updates at higit sa lahat magkaroon tayo ng appreciation ng mga datos pagkatapos ng 2021 para magawa natin ‘yong mga karampatang aksiyon dito sa taong 2022 laban sa COVID-19,” dagdag pa ni Maminta.

About Post Author

Previous articleSabang ferry boat cooperative seeks gov’t assistance to recover from Odette
Next article2,000 mangrove propagules, itinanim ng PNP Maritime sa Coron