PCA patuloy ang pagpapatala ng mga coconut farmers sa NCFRS

Image from Philippine Coconut Authority Palawan facebook page

Sa gitna ng mahigpit na pagpapatupad ng health and safety protocols sa lalawigan, patuloy na isinasagawa ng Philippine Coconut Authority (PCA) ang pagpapatala ng mga coconut farmers sa iba’t-ibang munisipyo para sa National Coconut Farmers Registry System (NCFRS).

Tiniyak ng pamunuan ng PCA-Palawan na mahigpit nilang ipinatutupad ang lahat ng patakaran sa mga magsasakang nagpapatala kagaya ng palagiang pagsuot ng face mask at face shield, at pag-obserba ng social distancing.

Aminado si PCA-Palawan acting division chief I Arlo Solano na nahihirapan sila sa NCFRS dahil na rin sa mahigpit na health requirements at protocols.

“Malaking hadlang talaga pero tayo naman sa PCA ay sinusunod natin kung ano ang requirements o protocols ng isang lugar. Halimbawa kung kailangan ng antigen result ay nagpapa-antigen ang mga tao natin bago sila pumunta sa isang munisipyo,” pahayag ni Solano.

“Nakikipag-coordinate na rin tayo agad sa LGU at pinapayagan naman tayo pero hindi tayo pwedeng matulog sa isang lugar, nagtatagal lang ng tatlo hanggang apat na oras at pagkatapos ay bumabalik na sa dito sa Puerto Princesa City,” dagdag niya.

Sa kasalukuyan ay isang empleyado ng PCA ang nasa bayan ng Cuyo para magsagawa ng pagtatala sa NCFRS.

“Ang empleyado natin ay kasalukuyang nasa quarantine dahil yun ay isa sa requirements ng MIATF. Request ito ng LGU ng Cuyo dahil maraming coconut farmers ang hindi pa rehistrado doon at sayang naman kung hindi sila makapag-avail ng mga programa ng PCA o ng Department of Agriculture katulad ng Cash and Food subsidy for marginalized farmers and fisherfolks,” paliwanag niya.

Nagpasalamat din si Solano sa lahat ng Municipal Agriculturist na aniya ay nakatulong ng malakisa isinasagawang registration.

“May mga NCFRS tayo na ibinigay sa kanila at sila na ang nagpapa-fillup sa mga farmers at nagse-set na lang tayo ng araw para pagbaba natin ay dinadaanan nalang natin agad ang mga forms para sa NCFRS,” aniya.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry