Photo courtesy of Vilma M. Lagera.

ROXAS, Palawan — Nanawagan ang lolo at lola ng isang pitong taong gulang na batang babae na may hydrocephalus ng tulong pinansyal mula sa mga mamamayan na may mabubuting kalooban sa bayan na ito para sa kanyang operasyon.

Ayon kay Vilma Lagera ng munisipyo ng Roxas, si Abby (hindi tunay na pangalan) ay inaalagaan ng mag-asawang Elito at Pacita Magbanua na residente ng Barangay IV. Ipinanganak ito noong April 10, 2014 at may hydrocephalus (cerebrospinal fluid) o tubig sa brain at spinal cord.

Sa kanyang post sa Facebook, sinabi ni Lagera na nakilala niya si Abby at ang nag aalaga dito habang sila ay namimigay ng isdang pang ulam sa panahon ng enhanced community quarantine (ECQ) noong April 17.

Aniya, hiwalay na ang mga magulang ni Abby kung kaya ang nag-aalaga dito ay ang mag-asawang Magbanua. Si lola Pacita ay kapatid ng tunay na lolo ng bata.

Walang trabaho ang mga ito kaya hirap silang tustusan ang pangunahing pangangailangan ni Abby tulad ng gatas at gamot, lalo na ngayong may quarantine dahil sa COVID-19.

“Kaka-birthday lang niya. Mayroon siyang kondisyon na hydrocephalus o pagkakaroon ng tubig (cerebrospinal fluid) sa utak. Inaalagaan siya ng mag-asawang Elito at Pacita na 36 years nang nagsasama bilang mag-asawa,” sabi ni Lagera.

“Si nanay Pacita ay kapatid ng lolo ni Abby. Ayon sa kwento nya, hiwalay na ang mga magulang ni Abby at ang tatlo pa nitong mga kapatid ay nasa lolo’t lola nila at si Abby na bunso naman ang napunta sa kanya. Walang trabaho si nanay Pacita at nagtatanod naman sa barangay si tatay Elito,” dagdag pahayag ni Lagera.

Si Abby ay umiinom pa ng gatas at biscuit lang ang madalas kinakain at laging nakahiga lang dahil hindi makatayo.

Sabi ni Lagera, sadyang napakahirap ng sitwasyon ng mag-asawang Magbanua at ng bata.

“Napakahirap ng sitwasyon nila ngayon lalo’t hindi makalabas, wala silang mapagkuhanan ng kanilang pang gastos, lalo na para sa gatas ni Abby. Kumakatok po kami sa inyong mga puso. Sa mga gustong mag-abot ng tulong para kay Abby– hiling po ng nag aalaga na si nanay Pacita na sana may makatulong at makapansin sa kanila upang mapa opera na Abby,” pahayag niya.

Maaaring dalhin ang tulong direkta sa tahanan nila sa Purok Ariasin o hindi kaya ay hanapin siya.

Puwede rin na i-text si Lagera sa 09209638536 para makatulong na maghatid ng donasyon. Ito ay sa kabila ng mayroon na ring nagpa-abot ng tulong.

“Good news, napakaraming mga mabubuting kalooban ang hinipo at sobrang nakakataba ng puso. Tuloy-tuloy ang paghahatid natin sa bahay nila Abby ng mga tulong pinansyal at mga groceries. Yong iba po direct na pong hinahatid doon para makita nila ng personal ang sitwasyon ng bata at ng pamilya,” pahayag ni Lagera sa kanyang social media account.

“Ang pinaka kailangan nila ay gatas, diaper, pagkain, at lalo’t higit mapatingnan sana sa espesyalistang doctor ng hydrocephalus si Abby. Isa pa po sana ay higaan sana ni Abby kung may magbibigay,” dagdag niya.

About Post Author

Previous articleMore veggie seedlings distributed to El Nido households
Next articleKatawan ng sanggol na babae, natagpuan sa San Vicente
is the correspondent of Palawan News in San Vicente, Palawan. He also covers politics, government policies, tourism, health and sports. His has interest in travelling and exploring different places and food.