Binuksan na muli ang fish and meat section ng pamilihang bayan ng Quezon, noong Sabado, May 29, matapos na isailalim sa tatlong araw na disinfection.
Ayon sa Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF), isinara ang naturang mga bahagi ng palengke noong araw ng Miyerkules, Mayo 26, matapos na ilang market vendors ang nag-positibo sa antigen test.
Sa panayam ng Palawan News kay Quezon municipal information officer Noli Laurio, sinabi niyang nakabalik na ang mga fish at meat vendors sa kanilang mga puwesto at ngayon ay mahigpit na ipapatupad na ang polisiya sa loob ng wet market para sa mga mamimili dito.
“Araw ng Biyernes, nagpulong kami para buuhin ang mga regulasyong ipapatupad sa loob ng fish and meat section upang maging ligtas ang lahat lalo na ang mga mamimili natin. Ito ay matapos na may mga vendors na nag reactive sa antigen test. Kaya pakiusap sa mga mamimili sundin ang mga policies natin,” pahayag ni Laurio.
“Paulit-ulit nating ipapaala-ala, disiplina ang kailangan. Dati face mask lang okay na. Ngayon kailangan na may face shield na sila bago papasukin sa wet market natin,” paliwanag niya.
Nagtalaga din ang MIATF ng entrance at exit sa lahat ng mga pupunta sa wet market building at ang pagbigay ng 10 minuto lang sa loob ng palengke upang mamili.
Dagdag ni Lario, pinapayuhan din ang mga mamimili na isulat na agad sa papel ang mga bibilhin para hindi na tumagal sa loob.
“Naka-cordon ang wet market building natin. Isa ang papasukan, isa lang din ang labasan at more or less, 10 minutes lang ang mga mamimili sa loob. Magtiis muna sa mga regulasyon na ito dahil ito ay para sa kaligtasan ng lahat ng mga taga bayan ng Quezon,” dagdag ni Laurio.
Samantala ayon naman kay Atty. Ryan Pacabis, Municipal Economic Enterprise and Development Officer, pansamantala ay maikling oras lang din ang magiging operating hours ng palengke.
“From 5 a.m. po bukas na ang palengke natin at pagdating ng alas syete kailangan sarado na ito. Kaya pakiusap natin sa mga mamamayan natin ay mamili ng maaga at sundin ang protocols sa loob ng pamilihan,” paliwanag ni Pacabis.
