Sep 19, 2020

Palaweña OFW sa Saudi Arabia, humihingi ng tulong

Ayon kay Ponce noong Martes sa panayam ng Palawan News, apat na beses na siyang palipat-lipat ng amo dahil sa ang tatlo niyang napasukan ay puro nananakit ng domestic helper.

(Photo courtesy of Nelrose Lascuna fb account)

 

QUEZON, Palawan — Isang Palaweña overseas worker sa Saudi Arabia ang humihingi ng tulong upang makauwi sa Pilipinas dahil sa naranasang pananakit ng kanyang amo.

Si Nelrose “Nening” Lascuña Ponce, 37 anyos, naninirahan sa Barangay Princess Urduja, Narra, at dating nakatira sa barangay Berong sa bayang ito, ay nagmamakaawa sa sino man na maaaring makatulong na siya ay makauwi dahil sa nararanasang pagmamaltrato.

Ayon kay Ponce noong Martes sa panayam ng Palawan News, apat na beses na siyang palipat-lipat ng amo dahil sa ang tatlo niyang napasukan ay puro nananakit ng domestic helper.

Umalis si Ponce sa Pilipinas noong  Hunyo ng nakaraang taon at mayroong dalawang taong kontrata sa Saudi Arabia bilang OFW. Pero isang taon pa lang siya sa Middle East ay naka-apat na siyang employers.

“Sana po ay matulungan ako ng ating pamahalaan na makauwi sa aking pamilya. Natatakot na po ako rito dahil sa hindi magandang pagtrato sa akin,” pahayag nito sa Palawan News sa pamamagitan ng Facebook messenger.

Ipinahayag din niya na hindi binigay ang kanyang sahod ng apat na buwan kung kaya nag report ito sa kanyang ahensiya sa Philipine Human Resource (PHR).

Noong July 12, inihatid siya ng kanyang ikatlong amo sa ahensiya. Bago ito nangyari, sinabi niyang siya ay minaltrato muna.

Ang kanyang pang-apat na amo, ayon sa kanya, ay hindi niya nagustuhan dahil ang alam niya ay pauuwiin na siya. Pero sinabihan umano siya ng PHR na kailangan niyang maghintay ng dalawa pang buwan.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry