Sa kauna-unahang pagkakataon ay mayroon nang akreditadong organisasyon ng media ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan matapos na mabuo ang Palawan Provincial Capitol Press Club (PCPC).
Ang pagbuo ng nasabing media organization ay sa inisyatibo ni Provincial Information Officer (PIO) Winston G. Arzaga na naglalayong mapaigting ang pagbibigay ng tamang impormasyon mula sa pamahalaang panlalawigan tungo sa mamamayan ng Palawan katuwang ang nabuong samahan ng mga mamamahayag.
Ayon kay PIO Arzaga, isa rin ito sa paraan upang magkaroon ng maayos at magandang samahan ang mga mamamahayag, mga lokal na opisyales at mga namumuno ng iba’t-ibang departamento ng pamahalaang panlalawigan.
Sa mensahe ni PIO Arzaga, pinasalamatan nito ang mga dumalo at nakiisa sa pagbuo ng samahang ito ng mga mamamahayag at sa suportang ibinibigay ng mga ito sa pagpapalaganap ng wastong impormasyon sa mamamayan ng lalawigan kaugnay ng mga programa at proyektong ipinatutupad ng pamahalaan.
Nahalal na Pangulo si Geralford Ticke ng Palawan Times, Pangalawang Pangulo si Catherine P. Austria ng DZIP-Radyo Palawenyo, Kalihim si Clea Faye Cahayag ng pahayagang Repetek, Ingat-Yaman naman si Diana Almodal-Andres ng Radyo Bandera, Auditor si Ruth Rodriguez ng GMA News TV, Project Manager sina Damian T. Lacasa, Jr. ng Radio Pilipinas-Palawan at MacArthur Asutilla ng Sinag Palawan at Press Relation Officers naman sina Michael Escote ng Palawan Daily News at Jerald Gales ng Radyo Bandera.
Si PIO Arzaga na rin ang nangasiwa ng panunumpa ng mga bagong halal na opisyales ng Provincial Capitol Press Club. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)