May pagkakataon na ang mga civil society organization (CSO) sa Palawan na makilahok sa mga council meeting ng pamahalaang panlalawigan at magbigay ng kanilang opinyon sa mga plano at programa nito.
Ayon kay Governor Amy Roa Alvarez, mahalagang marinig ang boses ng mga CSO dahil alam nila ang mga pangangailangan ng kanilang mga komunidad.
“Whole-of-the-nation approach tayo sa Palawan. Ibig sabihin, may boses po kayo sa mga council meeting ng Provincial Government. We listen to everyone’s feedback, and sana po, together with our civil society organizations and mga LGU, at least through this open communication, makabuo tayo ng isang direksyon, isang vision,” ani Alvarez.
Ginawa niya ang pahayag sa unang anibersaryo ng Provincial CSO Development Program noong August 19.
Sa programa sa Western Philippines University Training Center, kinilala ang mga CSO na tumulong sa pagpapatupad ng programa.
Nagkaroon din ng technology and innovation showcase ang College of Engineering and Technology at BS in Agricultural and Biosystems Engineering. Nagsagawa rin ng tree planting sa loob ng unibersidad.
Sinundan ito ng lecture at demonstration sa Rodriguez Integrated Farm sa Barangay Sagpangan, Aborlan, at BFAR-RFTC Freshwater Fish Hatchery and Demonstration Farm sa Barangay Taritien, Narra.
Sumuporta rin sa aktibidad ang Department of the Interior and Local Government-Palawan at mga lokal na opisyal ng Aborlan at Narra.
Layunin ng Provincial CSO Development Program, na pinamumunuan ni CSO Head Eduardo Modesto Rodriguez, na palakasin ang ugnayan ng pamahalaan at mga organisasyong kumakatawan sa iba’t ibang sektor sa Palawan.
Hindi naman sinabi kung aling mga provincial council ang may kasaling CSO representatives at kung anong mga desisyon o programa ang kanilang natulungan sa unang taon ng programa.



