MAMBURAO, Occidental Mindoro – Posibleng hindi na matuloy ang pagdaraos ng Palarong Pambansa 2020 sa lalawigan, bunsod ng pinsalang iniwan dito ng nagdaang kalamidad, ayon kay Mario Mulingbayan, tagapamahala ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDDRMO).
Sa joint meeting ng Provincial Peace and Order Council (PPOC), Provincial Anti-Drug Abuse Council (PADAC), at PDRRMC, iniulat ni Mulingbayan na malaki ang tinamong pinsala ng OccMin sa Bagyong Tisoy na nanalasa noong unang linggo ng Disyembre. Nakikita aniya ng pamahalaang panlalawigan (LGU) na magagamit ang perang nakalaan sana para sa pagdaraos ng pambansang palaro upang itulong sa mga naging biktima ng nasabing bagyo.
“Sa kasalukuyan, lumalabas sa inisyal na damage assessment natin na higit sa P800 milyon ang halaga ng pinsala ni Tisoy, at maaring tumaas pa,” ani Mulingbayan.
Pangunahing nasalanta ang sektor ng agrikultura at pangisdaan. Umabot sa halos kalahating bilyon ang naitalang halaga ng pinsala.
Pagbubunyag pa ni Mulingbayan, magkakasamang kumikilos ngayon sina Governor Eduardo Gadiano, Vice Governor Peter Alfaro at Representative Josephine Sato upang idulog sa tanggapan ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones ang malaking problemang kinakaharap ng lalawigan.
“Hinihintay natin kung ano ang resulta ng lakad ng ating mga opisyales, pero ang pagkakaintindi ko uurong na tayo sa pagho–host ng palaro. Hindi kakayanin ng probinsya ang iba pang kagastusan, at gusto nating unahin ang pagtulong sa ating mga mamamayan,” ayon pa rin sa tagapamuno ng PDRRMO.
Dagdag ng opisyal, nakapanghihinayang ang mga isinagawang paghahanda para sa kauna-unahan sanang pagdaraos ng Palarong Pambansa sa lalawigan, subalit dapat aniyang mangibabaw ang pagtugon sa dagliang pangangailangan ng mga mamamayan ng Occidental Mindoro. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)