(File image)


Wala pang natutukoy na motibo sa pagpaslang kay kapitan Roderick Aperocho ng Barangay Poblacion, Narra noong gabi ng November 5 sa kanya mismong bahay, pero iniimbestigahan ng pulisya na maaaring ang isa sa dahilan ay ang madalas nitong pagwi-witness kapag may operasyon sila laban sa droga sa lugar nito.

Ayon kay P/Maj. Romerico Remo, hepe ng Narra Municipal Police Station (MPS), sa panayam ng Palawan News, umaga ng Sabado, sa ngayon ay wala pa silang puwedeng maihayag na motibo, ngunit sinusundan nila sa imbestigasyon ang anggulo na maaaring may kaugnayan ang pagpaslang sa madalas na pagwi-witness ni Aperocho sa mga anti-illegal drug operation ng pulisya.

“Sa ngayon ay hindi pa po namin puwedeng masabi ang motibo dahil may sinusundan pa kaming imbestigasyon,” pahayag niya.

“Kasi si kapitan Aperocho kapag may operation kami [laban] sa drugs, siya yan ang madalas na nagwi-witness. So, isa din sa tinitingnan natin ano… dahil siyempre hindi naman natin… kaya nga sinasabi ko nga na kahit napaka-perpekto ng trabaho natin, marami pa rin ang nagagalit,” dagdag ni Remo.

Aniya, base sa kanilang inisyal na imbestigasyon ng nangyari noong gabi ng November 5, binaril si Aperocho habang nag-a-unwind ito sa sariling bahay sa Caimito Road kasama ang kaibigan na si Jerry Dioquino.

Ang mismong lugar kung saan ito binaril ay medyo malapit sa kalsada, mga more or less 10 metro, ayon kay Remo.

Taliwas sa mga naunang lumabas na balita na tatlo ang hinihinalang suspek, sabi ni Remo dalawa lang talaga ang mga ito dahil ang mga empty shell na nakuha sa bahay ni Aperocho ay mula lang sa dalawang kalibre ng baril.

Wala ring motorsiklo na sinasakyan ang mga ito dahil ayon sa kanilang pag-iimbestiga ay naglalakad lang ang mga hindi pa natutukoy na suspek.

Ipinaliwanag niya na dahil sa bilang ng empty shells na nakita, nag-conclude ang kanilang imbestigasyon na dalawa lang ang suspek.

” Dalawa lang ang suspek. Apat na empty shells mula sa kalibre 9mm at dalawang empty shells mula sa 22 na kalibre ng baril,” sabi ni Remo.

“Wala, hindi kumpirmado yong [nakasakay sila sa motorsiklo], dahil base sa investigation namin naglalakad lang itong mga suspek,” dagdag niya.

Ayon kay Remo, maraming tinamong tama ng bala si Aperocho, at ang mga kritikal ay tinamo nito sa dibdib.

“Ang nakita namin is puro dibdib [ang tama]. Marami, pero puro dibdib ang tama niya,” pahayag pa ni Remo.

Si Dioquino naman ay may tama sa left side ng abdomen at may daplis sa paa.

Base pa rin sa kanilang imbestigasyon, sinabi niya na simple lang ang naging pag-exit ng mga suspek sa lugar matapos mapaslang si Aperocho.

Aniya, may kadiliman ang area ng barangay kung saan ang direksyon na tumakas ang mga ito sa may upper portion sa kabilang kalsada, sa boulevard sa bayan ng Narra. Kapag ganoong oras din ay wala ng mga tao sa labas ng kanilang mga bahay.

Mga 5-10 minutes ay rumesponde sila matapos matanggap ang report pero nabigong mahuli ang mga suspek.

“Naka-responde po kami agad. Noong pag-report sa atin ng kapitbahay nila, nakapag-response tayo at nag-try tayong masundan pa ang mga suspek pero hindi natin… ikinalulungkot natin na hindi natin nahuli ang mga suspek,” sabi niya.

 

P1 milyong bounty sa ikadadakip ng mga suspek

Kahit walang reward ang pulisya o ang mga mamamayan, may mga nagbibigay ng impormasyon para madakip ang mga pumaslang sa biktima.

Ngunit magiging malaking tulong ang P1 milyong pabuya sa kanilang isinasagawang imbestigasyon para mahuli ang mga gumawa ng krimen.

“Siguro, makakatulong din sa imbestigasyon ng ating mga kapulisan. Yon nga ang sinasabi ko, kahit walang reward ang ating mga kapulisan at yong mga resident, lalong-lalo na sa poblacion, nakikipagtulungan sila sa atin,” sabi ni Remo.

 

About Post Author

Previous article‘Tarabidan sa Dang Maria’ — empowering local businesses
Next articleNo disconnection for unpaid electricity bills until December 31
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.