Sapul sa CCTV ang pagnanakaw sa Weng’s Campsite sa Barangay Tinitian, Roxas, Palawan, kung saan mahigit ₱8,500 cash, tatlong cellphone at mga panindang nakalaan sana para sa bagong boutique ang naiulat na natangay.
Ayon kay campsite owner Winnie S. Pepito, dalawang lalaki ang pumasok sa kanilang establisimyento bandang alas-2:30 hanggang alas-3 ng madaling araw noong Linggo, Oktubre 4.
Nasa loob umano ng boutique ang mag-asawang natutulog nang mangyari ang insidente.
Kabilang sa naiulat na nawawala ang Tecno, Samsung at Realme na cellphone, isang bag na may mahahalagang dokumento at mga ID, at mahigit ₱8,500 cash na umano’y katumbas ng isang linggong sahod.
Natangay din umano ang mga panindang inihahanda para sa planong pagbubukas ng boutique, kabilang ang 25 hanggang 30 piraso ng piling Japan at US surplus watches, kuwintas, pulseras, singsing at iba pang accessories.
Kasama rin umano sa mga nawawala ang assorted perfumes, beauty products, sombrero, bag at isang bagong CCTV camera na hindi pa naikakabit.
Hindi pa matukoy ni Pepito ang eksaktong bilang ng mga damit na naiulat na nawawala.
Batay sa salaysay ng may-ari, nakamotorsiklo umano ang dalawang lalaki at ipinarada ito sa madilim na bahagi na malayo sa boutique bago pumasok sa establisimyento.
Naipagbigay-alam na umano ang insidente sa barangay at pulisya. Ibinahagi rin ni Pepito ang CCTV footage bilang bahagi ng kanyang panawagan sa publiko na makatulong sa pagkilala sa mga taong makikita sa video.
Hiniling din niya sa publiko na maging mapagmatyag, lalo na ang iba pang tindahan at negosyo sa lugar, upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.



