Ipinaliwanag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na binabawasan ng kanyang administrasyon ang malawak na discretionary powers ng mga opisyal ng gobyerno at pinapalawak ang paggamit ng digital technology upang mapigilan ang korapsyon at pag-aaksaya ng pondo ng bayan.
Sa kanyang talumpati sa Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) Presidential Luncheon sa Manila noong Biyernes, sinabi ni Marcos na maraming mekanismo para sa oversight ang matagal nang umiiral ngunit hindi umano nasusunod o nagagamit nang maayos.
“Many of these oversight measures were actually in place. They were just not being respected or used,” ani Marcos.
Ayon sa Pangulo, natukoy ng kanyang administrasyon na kailangang tugunan ang labis na discretionary authority matapos mapansing naibaba sa mas mababang antas ng burukrasya ang kapangyarihang gumawa ng mahahalagang desisyon.
“And we noticed that discretion has become, has gone to a much lower, to a lower and lower part of the administration until rank-and-file members are making decisions that are in the billions of pesos,” aniya.
Sinabi ni Marcos na maaaring mauwi sa “very gray area” o maging “absolutely and totally illegal” ang ganitong mga desisyon kapag walang sapat na pagsusuri at kontrol.
“So, that is one of the measures that we have put in: to remove that discretion,” ani Marcos, at idinagdag na sa labis na discretionary authority maaaring pumasok ang korapsyon.
Ipinaliwanag niya na kapag binigyan ng sobrang laking kapangyarihan ang isang opisyal na gumawa ng desisyon, maaari itong gamitin upang humingi ng pera o pabor kapalit ng desisyong makikinabang ang isang partikular na indibidwal habang nalulugi ang gobyerno.
“If I, let us say, a functionary, can make big decisions, then I can ask for money and say, I will decide it in your favor if you give me money,” aniya.
Bukod sa paglilimita sa discretionary powers, sinabi ni Marcos na ginagamit din ng gobyerno ang digitalization upang mabawasan ang direktang pakikialam ng mga tao sa proseso ng pamahalaan.
“Digitalization is our most powerful tool for that because we remove that human element where wastage and corruption can creep into,” ani Marcos.
Kabilang sa mga hakbang ng administrasyon ang paggamit ng blockchain technology sa 2026 national budget.
Ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT), layunin ng blockchain system na lumikha ng permanenteng digital record ng national budget na mahirap baguhin o pakialaman.
Tinawag ng DICT ang sistema na Digital Bayanihan Chain. Inaasahang magbibigay ito sa publiko, auditors, researchers at mga susunod na administrasyon ng paraan upang mapatunayan ang mga opisyal na rekord ng budget kahit lumipas na ang ilang taon.
Nauna nang sinabi ni DICT Secretary Henry Aguda na maaari ring gamitin ang sistema sa buong budget cycle, mula sa pag-apruba at paggastos hanggang sa disbursement at reporting.
Noong nakaraang taon, sinabi rin ni Marcos na maaaring makatulong ang blockchain sa problema ng transparency sa paggamit ng pondo ng gobyerno, habang binigyang-diin na dapat pa ring sundin ang mga umiiral na patakaran.
Hinigpitan din ng administrasyon ang mga safeguard sa 2026 national budget. Kabilang dito ang pag-veto ni Marcos sa halos P92.5 bilyon na Unprogrammed Appropriations.
Sinabi ng Pangulo na hindi dapat gamitin ang naturang pondo bilang “backdoor for discretionary spending” at dapat may malinaw na kondisyon at masusing validation bago ito ilabas.
Ayon kay Marcos, magpapatuloy ang gobyerno sa pagbabago ng mga proseso upang matiyak na hindi naaabuso ang discretionary authority at mas ligtas, transparent at patas ang paggamit ng pondo at pagpapatupad ng mga proyekto ng pamahalaan.



