Pag-aresto sa mga indibidwal na wanted, sunod-sunod

Anim na mga kalalakihan na wanted sa mga kasong attempted murder, robbery, forestry code ng Pilipinas, murder, at frustrated ang sunod-sunod na naaaresto ng awtoridad sa magkakahiwalay na araw hindi lang sa Palawan kundi maging sa San Jose, Occidental Mindoro sa loob ng dalawang araw.

Sa Mindoro ay inaresto noong Hunyo 20 ng operatiba ng Agutaya Municipal Police Station (MPS) si Gereny Abos Ria, 43, dahil sa kasong frustrated murder na may inirekomendang piyansa na P120,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Ang pag-aresto sa kanya na itinuturing na Rank No. 5 most wanted sa municipal level ay bunga ng ibinaba na warrant ni Judge Angelo Arizala ng 4th Judicial Region, Branch 52 ng Regional Trial Court noong Hulyo 25, 2013.

Sa Sityo Kanumay, Barangay Rio Tuba sa Bataraza naman naaaresto noong Hunyo 20 rin ang 18 taong gulang na suspek sa robbery na si Wilito Asman Siren, alyas Wengweng, na residente ng Sityo Malatgao sa Brgy. Sandoval sa nasabi rin na bayan.

Si Siren ay nadakip dahil sa ibinabang warrant noong Agosto 16, 2019, ni Judge  Ramon Chito R. Mendoza ng Branch 165 ng RTC sa Brooke’s Point.

Bumagsak din sa kamay ng awtoridad ang wanted na magsasaka na si Bernard Totanes Pura, 33, dahil sa kasong paglabag sa Presidential Decree 705 o ang “Revised Forestry Code of the Philippines”. Nadakip siya noong Hunyo 20 rin sa Brgy. Bato sa Taytay sa northern Palawan.

Inaresto siya sa bisa ng mga warrant na inisyu sa kanya noong Mayo 10, 2021 ni Judge Ronilo A. Beronio, acting presiding judge of MCTC for Taytay and San Vicente dahil sa paglabag sa Section 77 at Section 78 ng PD 705 na may nakalaang piyansa na P52,000 at Section 18 ng Republic Act 11038 amending Section 20(c) of RA 7586 na may nakalaang piyansa na P36,000.

Ang Rank No. 5 sa Provincial Level Top 10 naman na si Mark Laurence Luder Dupo, 20 taong gulang, isang mangingisda, ay naaresto sa Malapandeg, Brgy. Punta Baja sa bayan ng Rizal noong Hunyo 21 dahil sa kasong murder.

Binabaan siya ng warrant of arrest ni Judge Ramon Chito R Mendoza ng Branch 165 ng 4th Judicial Region noong Agosto 7, 2018. Walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Ang Rank No. 4 sa municipal level na si Melchor Dadaya Manlabao, 47, ay inaresto noong Hunyo 21 sa Brgy. Salvacion, Busuanga, dahil sa kasong frustrated murder na may inilaan na piyansang P200,000. Ang warrant para sa paghuli sa kanya ay ibinaba ni Judge Arnel P. Cezar ng Branch 163 ng RTC.

Ang pinaka huli na naaresto noong Hunyo 21 ay ang Rank No. 9 sa municipal level na si Rolan Alisna Musa, 24, sa Purok Mahogany, Barangay Punta Baja, Rizal, dahi sa kasong frustrated murder.

Ang warrant ay ibinaba laban sa kanya ni Judge Mendoza ng Branch 165 ng RTC sa Brooke’s Point. Mayroong inilaan ang judge na P120,000 na piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry