SAN VICENTE, Palawan –Nagsagawa ng isang orientation para sa implementasyon ng programa ang Kapit-bisig Laban sa Kahirapan Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services National Community-Driven Development Program Additional Financing (KALAHI-CIDSS NCDDP AF) sa bayang ito noong araw ng Miyerkules, Nobyembre 10.
Ang nasabing programa ay isinasagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) laban sa kahirapan na naglalayong matugunan ang mga pangangailangan ng mahihirap na residente sa komunidad, at maitaguyod ang pangkalahatang pag-unlad.
Kabilang sa mga dumalo sa nasabing orientation sina Municipal Local Government Operations Officer Rustico B. Dangue, Municipal Social Welfare and Development Officer Jennilyn Laro, Acting Chief of Police Victor J Paulino, mga punong barangay, hepe ng mga opisina ng Pamahalaang Bayan at mga miyembro ng binuong Area Coordinating Team (ACT) at Municipal Coordinating Team (MCT).

Sa isinagawang orientation ay nilagdaan ang isang Memorandum of Agreement sa pagitan ng lokal na pamahalaan ng San Vicente sa pamamagitan ni Mayor Amy Roa Alvarez at ng DSWD para sa mas matatag na pakikipag-ugnayan.
“Through our strengthened partnership with the DSWD, we will empower communities by providing skills enhancement and capability building to target population. We will capacitate them to manage issues and concerns in their communities through grassroots participation in planning, budgeting, mobilization, implementation and resource management of their chosen projects to address poverty,” pahayag ni Alvarez.
Ang programa ay may pondo na nagkakahalaga ng P18.8 million sa ilalim ng additional financing, kung saan, napapaloob dito ang halagang P3,773,500 local counterpart ng lokal na pamahalaan.




Ang pondong ito ang gagamitin sa pagpapatupad ng mga proyekto sa siyam na barangay ng San Vicente maliban sa Barangay Kemdeng na hindi napabilang sa programa dahil ito ay benepisyaryo na ng programa ng NTF-ELCAC.
Ayon kay Jerry A. Veneranda, Area Coordinator ng DSWD para sa programa, pagkatapos nito ay bababa sila sa mga barangay upang magsagawa rin ng oryentasyon. Susunod naman ang pagsasagawa ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA).
“Magkokolekta tayo ng data para roon sa pagpa-facilitate natin ng PSA (participatory situational analysis). ‘Yung paga-identify ng project dapat ay manggagaling sa PSA na kung saan, ang mga community members ang tutukoy ng mga problemang nararanasan o kung anumang mga suliranin at sila rin ang mag-a-identify ng solusyon na sa tingin nila ay pinakakailangan nilang proyekto para matugunan ang problema,” pahayag ni Veneranda.
Pangungunahan ng ACT at MCT ang pagbuo ng mga asosasyon sa komunidad na silang mangunguna sa pagtukoy ng mga prayoridad na proyekto sa kanilang barangay at maging sa implementasyon at proseso nito.



