SAN VICENTE, Palawan — Bilang bahagi pa rin ng pagtugon sa pandemyang dulot ng COVID-19, inaprubahan ng Sangguniang Bayan ang isang ordinansang naglalayong gawing libre pansamantala ang serbisyo sa mga consumer ng San Vicente Water Works System (SVWWS).
Ito ay upang maibsan ang hirap ng mga residente ng bayan na karamihan ay mga concessionaire ng SVWWS na pinamamahalaan ng Municipal Economic Enterprise and Development Office (MEEDO).
Isinaad din sa ordinansa na kailangang tumuklas ang lokal na pamahalaan ng mga hakbang sa pang-ekonomiyang lunas at matulungan ang mga nasasakupan habang may kinakaharap pang pandemya
“Imbes na ang taong-bayan ang magbabayad sa monthly water bill nila, LGU na ang mag-absorb sa operations at maintenance ng waterworks natin,” paliwanag ni Vice Mayor Antonio Gonzales sa kanilang sesyon nitong araw ng Lunes, Hulyo 5.
“Malaki ang budget ng ating LGU. Gamitin natin ito para mabawasan ang paghihirap ng ating mga residente,” pagbibigay-diin naman ni Kgd. Nats Fernandez, chairman ng committee on appropriations.
Ayon naman kay Kgd. Antonio Rabina Jr., kung kaya naman itong gawin ng libre ay yon dapat ang gawin para sa mga residente ng San Vicente.
Iminungkahi naman ni Kgd. Walter dela Cruz na maglaan ng karagdagang pondo para sa operasyon ng patubig sa bayan upang hindi maapektuhan ang mga kawani ng MEEDO.
“Let’s allocate an annual subsidy of P14 Million for the operations and maintenance of our water system para naman tuloy-tuloy ang maintenance at operations ng patubig natin, atsaka walang maapektuhang empleyado ang MEEDO,” pahayag ni Dela Cruz.
