Tuloy-tuloy ang isinasagawang operation ng 2nd Special Operations Unit-Maritime Group (2nd SOU-MG) sa bayan ng El Nido matapos makakumpiska ang mga operatiba nito ng tone-toneladang giant clam shells sa sityo ng Tandol sa Barangay Bucana noong October 8.
Sa pahayag ng tagapagsalita nito na si P/Lt. Anna Viola Abenojar, sinabi nito na tuloy ang kanilang operasyon matapos nilang malaman na mismong mga residente ang nag-iipon ng mga clam shells para ibenta sa mga Manila buyer.
Aniya, noong October 8 nakatakda sanang kunin ang mga taklobo mula sa Bucana para ibiyahe sa Manila pero hindi dumating ang buyer.
“Ang report ay 1 o’clock pipick-upin, kaya lang umabot na ng 2:30 p.m. wala pa ring dumarating na kahit sino para kumuha. Kaya sinimulan na ng tropa na i-confiscate na lang yong mga nandoong taklobo shell. Mga residente yong nag-iipon ng mga taklobo para ibenta sa mga buyer na galing pa ng Maynila,” sabi ni Abenojar.
Dagdag pa ni Abenojar, mula lang sa komunidad ng El Nido ang mga nakumpiskang mga taklobo at naipon lang.
Matatandaang umabot ng halos tatlong tonelada o nagkakahalaga ng P4.5 milyon ang nasabat na giant clams ng PNP Maritime.
Ang operasyon ay magkasanib na isinagawa ng PNP Maritime, Western Command, at Bantay Palawan Task Force (BPTF).