Ilang paghahanda para sa 15th Pangalipay Festival sa bayan ng Magsaysay, Palawan. (Contributed photo)

Nakatakdang isagawa ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Magsaysay ang 15th Pangalipay Festival sa huling linggo ng buwan ng Setyembre bilang bahagi ng pagdiriwang at pagpupugay kay San Miguel Arkanghel na siyang patron saint ng nasabing bayan.

Kaugnay nito, pinaghahandaan na rin ang mahigpit na pagpapatupad ng health and safety protocols upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19. Ayon kay Mark Rabang, Acting Municipal Information Officer, halos lahat ng kanilang aktibidad at programa sa selebrasyon ay gagawing via virtual o online.

“Nag-set ng guidelines ang ating lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Manuel Abrea at ang ating MIATF (Municipal Inter-Agency Task Force on COVID-19) para sa celebration ng ating festival. Virtual lahat ng activity natin maliban sa maiksing programa na ginawa sa opening noong September 20,” pahayag ni Rabang, Miyerkules, September 22.

Binuksan sa pamamagitan ng isang programa ang pagdiriwang noong araw ng Lunes, September 20 kung saan isinagawa ang “Pagpatindeg ang Tuladok” (Pagtatayo ng Festival Pole). Magiging highlight naman sa pagtatapos ng pagdiriwang sa darating na September 29 ang ilang aktibidad kabilang ang pondo-pondo virtual contest, erekay virtual contest, birso erekay contest, sayaw virtual contest at tiktok challenge virtual contest.

- Advertisement -

“Sa September 21 hanggang 28, gagawin ang pag-iikot ng ibat ibang cuyono song sa bawat barangay ng Magsaysay kasama ang pinaka bagong Festival Hymn, “Pangalipay sa Banuang Magsaysay.” Parang Diana type siya every 4:00 ng madaling araw mag-iikot kami sakay sa pickup tapos may malakas na sound system at nag-pi-play ng mga cuyono song kasama ang official Festival Hymn natin,” paliwanag ni Rabang.

Dagdag niya, sa pagtatapos ng pagdiriwang sa September 29, isang maiksing programa ang gagawin sa covered gym ng bayan kasama ang awarding ceremony sa lahat ng partisipante sa pagdiriwang mula sa 11 barangay. Bilang pagsunod pa rin sa health and safety protocols ay magbibigay sila ng entrance passes para sa mga papasok.

“Passes ang ibibigay namin sa mga papasok sa gym, mga opisyal lang ng barangay ang papayagan, ilang mga LGU officials at employees, subject for body temperature at pag-fill-up ng contact tracing form,” dagdag ni Rabang.

Ang “Pangalipay” ay isang salitang cuyonon na ang ibigsabihin nito ay pagbibigay ng kagalakan, kasiyahan at pagbubunyi.

Ang pagdiriwang ay pinagtibay sa pamamagitan ng isang ordinansa ng bayan at itinakdang isagawa tuwing Setyembre 20 hanggang 29 na nagsimula noong taong 2006.

Previous articlePaghahanap sa lalaking nahulog mula sa tulay ng Sta. Lourdes, nagpapatuloy
Next articlePALECO exec accuses city dad of “politicking”
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.