BROOKE’S POINT, Palawan — Patok din ngayon sa bayan na ito ang online barter trading o palitan ng kalakal gamit ang social media na inilunsad noong June 1.
Ayon sa administrator ng Brooke’s Point Barter Community (BPBC) na si May Carlos sinimulan niya ang barter community mahigit isang linggo na ang nakalipas na ngayon ay mayroon ng mahigit 3,000 miyembro.
“Monday night noong sinimulan kong gawin ang barter group. Tapos nagulat na lang ako dahil paggising ko 1,000 members na agad. Pagkalipas pa ng isang linggo ay mahigit 3,000 na ang nag-join,” pahayag ni Carlos.
Sabi niya, naengganyo siyang umpisahan ito ng mapansin niyang marami ang nagpo-post sa Facebook na “sana all” ay may barter community dahil sa kakaibang kasiyahan na dulot ng pakikipagpalit ng iba-ibang bagay na walang sangkot na pera.
Mayaman o mahirap, lahat ay sumasali sa kanilang barter community at ang mga ipinapalit ay mula halaman, kids’ skirts, sandals, payong, gatas, pagkain, at iba pa.
“Marami kasing nagpo-post sa Facebook na sana may barter group din sa Brookes Point. Nakikita ko rin yong ibang barter group na parang ang saya kaya gumawa ako ng group na pinangalanan kong Brooke’s Point Barter Community,” sabi niya.
Mula noong June 1, kada araw ay may post ng mahigit 1,500 sa barter community ng Brooke’s Point.
Sa pamamagitan ng barter community, ang mga bagay na iniisip na wala ng halaga ng mga may-ari ay muling nagkakaroon ng pakinabang sa iba.
“No Cash, No Selling and Buying ang policy. Malaking tulong sa mga kasapi dahil may mga gamit na matagal na nilang hindi nagagamit at nakatago lang, magagamit pa pala ng iba. Halimbawa damit na pinagliitan, Napagpalit pa sa mga needs nila tulad ng gatas, mga laundry materials, pagkain,” sabi ni Carlos.