Inatasan ng Office of the Ombudsman si dating House Speaker Martin Romualdez at iba pang respondent na magsumite ng kanilang counter-affidavit kaugnay ng mga reklamong isinampa laban sa kanila sa umano’y multibilyong pisong anomalya sa mga flood control project.
Kinumpirma ni Assistant Ombudsman Mico Clavano nitong Martes na naglabas na ng order ang preliminary investigation team para sagutin ng mga respondent ang mga alegasyon.
“I can confirm that an order to file counter-affidavit has been issued by the preliminary investigation team to former Speaker of the House, Martin Romualdez, as well as the rest of the respondents,” ani Clavano.
Mayroon umanong 15 araw ang mga respondent mula sa pagtanggap ng kautusan para isumite ang kanilang counter-affidavit.
Kapag naisumite na ng lahat ng panig ang kanilang mga dokumento, isusumite ang kaso para sa resolusyon, ayon kay Clavano.
Noong Hulyo 20, nagsampa ng mga reklamo ang special panel of investigators ng Ombudsman laban kina Romualdez, dating Ako Bicol Rep. Elizaldy Co at iba pa.
Kabilang sa mga kasong isinampa ang plunder, direct at indirect bribery, graft at money laundering.
Inakusahan ang mga respondent na nakapagkamal umano ng tinatayang ₱56 bilyong ill-gotten wealth mula 2022 hanggang 2025 sa pamamagitan ng paglihis at maling paggamit ng pondo ng gobyerno para sa mga umano’y maanomalyang proyekto.
Sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address nitong Lunes, sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na papalapit na sa pagsasampa sa Ombudsman ang ilang kaso laban kay Romualdez, na kaniyang pinsan, kaugnay ng flood control scandal.
Ayon kay Marcos, isinagawa ng pamahalaan ang malawakang imbestigasyon batay sa mga nakalap na ebidensya at walang kinilingan.
Nagresulta na umano ang imbestigasyon sa pagsasampa ng mga kaso at pagkakaaresto sa ilang contractor, matataas na opisyal ng Department of Public Works and Highways at mga mambabatas.
Sinabi rin ng Pangulo na kumikilos ang pamahalaan upang mabawi ang pondo ng bayan at mapigilan ang karagdagang bayad para sa mga depektibo, peke o hindi naman umiiral na proyekto.



