Arestado ang ika-7 most wanted person sa Palawan na nahaharap sa kasong murder sa bayan ng Rizal, habang isa pang wanted person ang dinakip sa Aborlan dahil sa qualified theft noong October 19, ayon sa Palawan Police Provincial Office (PalPPO).
Kinilala ang unang suspek sa alyas na “Zander,” 62, isang welder at residente ng Puerto Princesa City na pansamantalang nanunuluyan sa Rizal. Inaresto siya sa Barangay Bunog sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court (RTC) Branch 165 sa Brooke’s Point noong September 17.
Walang inirekomendang piyansa para sa kasong murder na kinahaharap ni Zander.
Samantala, dinakip din ng mga awtoridad sa Barangay Tigman, Aborlan ang isa pang 62-anyos na suspek na isang magsasaka at nahaharap sa kasong qualified theft sa ilalim ng Articles 308 at 310 ng Revised Penal Code.
Inilabas ng RTC Branch 48 sa Puerto Princesa City ang warrant of arrest laban sa ikalawang suspek noong October 14. Nagtakda naman ang korte ng ₱30,000 na piyansa para sa bawat kaso.
Nasa kustodiya na ng kani-kanilang municipal police station ang dalawang inaresto para sa dokumentasyon at kaukulang proseso, ayon sa PalPPO.



