Arestado ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) ang itinuturing na No. 2 most wanted person sa city level sa operasyon sa Barangay San Miguel, Puerto Princesa City, nitong Linggo ng gabi, Oktubre 5.
Kinilala ng pulisya ang naarestong suspek bilang 35-anyos na lalaki na nahuli bandang alas-10 ng gabi sa Purok Bagong Silang, Zone 1, Barangay San Miguel.
Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong robbery. Wala umanong inirekomendang piyansa para sa naturang kaso.
Pinangunahan ng City Intelligence Unit ng PPCPO ang operasyon, katuwang ang Police Station 1 at 401st Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion.
Nasa kustodiya na ng CIU-PPCPO ang suspek habang isinasagawa ang kaukulang proseso para sa kanyang kaso.



