ODIONGAN, Romblon – Nasa 70 porsyento na ng plantasyon ng niyog dito na sinalanta ng coconut small scale insects o cocolisap ang nakaka-recover na sa mga bayan ng Calatrave at San Agustin, ayon sa pahayag ng Philippine Coconut Authority (PCA).
Sa ginanap na Kapihan sa PIA kailan lang ay sinabi ni Protacio G. Rubia, agriculturist II at officer-in-charge ng PCA sa Romblon, sinabi nito na hindi pa rin sila kampante sa kabila ng magandang resulta nang ginawa nilang leaf pruning at pagpapakawala ng predators para mapuksa ang cocolisap dahil posible itong muling sumalakay kapag umayon sa mga ito ang klima ng panahon.
Ipinaliwanag ni Rubia na mas mabilis kumalat ang mga cocolisap lalo na kapag mainit ang panahon ngunit sinisiguro nila na patuloy ang ginagawang aksyon ng kanilang ahensiya para mapigilan ang pagkalat ng mga cocolisap sa iba pang niyogan at kung maaaring mapuksa na ito ng tuluyan.
Batay sa tala ng PCA, umabot sa 174,888 na puno ng niyog sa bayan ng Calatrava at San Agustin ang naapektuhan ng cocolisap na nagsimulang sumalanta sa mga niyogan sa dalawang bayan sa Tablas island.
Ayon kay Rubia, sa pinakahuling datus ng kanilang opisina na kinalap hanggang Hunyo 14, halos 5.98 porsiyento ng niyogan sa bayan ng San Agustin ang naapektuhan ng cocolisap habang 24 porsiyento naman ng niyogan ang nasalanta sa bayan ng Calatrava.
Umabot na rin aniya sa P1,118,540 ang nagastos ng Philippine Coconut Authority sa ginagawa nilang pruning activity sa mga apektadong puno simula noong Marso 2018.
Ang mga cocolisap isang ‘destructive insect’ na umaatake ng mga puno ng niyog sa pamamagitan sa pagkain sa kanilang mga dahon, bunga at bulaklak kung saan tanging trunk nalang ng puno ang matitira.
Sa ngayon, hindi pa naman aniya malaki ang epekto ng cocolisap sa coconut industry sa probinsya dahil maliit pa lang naman ang lugar na apektado ng mga nabanggit na insekto.
Batay sa datus ng PCA, halos 85 porsiyento ng mga magsasaka sa Romblon ay naka-depende sa pagniniyog dahil ito ang pangunahing produkto ng probinsiya kung saan may 7,820,095 na puno ng niyog na nakatanim sa 58,270 ektarya na niyogan sa buiong lalawigan. (PIA)