LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro – Muling nasungkit ng lungsod ng Calapan ang National Consistent Regional Outstanding Winner in Nutrition (CROWN) Award bilang Outstanding Nutrition Program sa larangan ng nutrisyon na dinaluhan ni City Mayor Arnan C. Panaligan sa Philippine International Convention Center noong Agosto 30 sa lungsod ng Pasay.
Masayang tinanggap ng Punong Lungsod ang naturang parangal kasama sina City Councilor Mary Pauline Mylene De Jesus na siyang humahawak sa komite ng kalusugan sa Sangguniang Panlungsod at si City Nutrition Action Officer Zifora Manes.
Ang Calapan ay isa sa mga lungsod sa buong bansa na tumanggap ng parangal na CROWN Award na ipinagkakaloob lamang sa 10 lokal na pamahalaan na tumanggap na ng Green Banner Award sa larangan ng nutrisyon ng tatlong sunud-sunod na taon kung saan nakamit ito ng lungsod.
Ang nutrisyon ang higit na tinututukan ngayon ni Panaligan bilang isa sa mga prayoridad ng kanyang programa upang maisulong ang maunlad na pakikipag kapwa gayundin ang paglaban sa kahirapan kung kaya kaniya itong napagtatagumpayan lalo’t-higit sa usaping pang kalusugan. (DN/PIA-OrMin)