Nilinaw ng pamunuan ng Puerto Princesa City Police Station 2 (PS 2) na wala pa silang konklusyon na “chop-chop” ang kaso nang natagpuang hiwa-hiwalay na bahagi ng katawan ng tao sa Magarwak sa Barangay Sta. Lourdes noong Marso 4.
Ayon kay P/Lt. Bryan Rayoso, chief investigator ng PS 2, marami pa silang tinitingnang anggulo sa kanilang imbestigasyon hinggil sa kung ano ang nangyari sa indibidwal na biktima ng krime ngunit hanggang ngayon ay hindi pa nakikilala.
“We’re still conducting follow-up investigations doon sa natagpuang bangkay sa Magarwak. Sa ngayon, wala pa tayong pagkakakilanlan sa biktima kasi wala pang claimant ng bangkay,” pahayag niya.
Aniya, nakipag-coordinate din sila sa mga kalapit na barangay ng Sta. Lourdes, Tagburos, at Bacungan kung may nakatala sa kanila na nawawalang residente, ngunit wala naman din.
Matatandaan na natagpuan ang bangkay dahil sa report ng tatlong binatilyo na nangangahoy sa gitna ng gubat sa nasabing lugar. Malapit sa ilog kung saan nila nakita ang mga labi.
“Nabubulok at nangangamoy na nang makita namin ang bangkay. Marami kaming tinitingnan na dahilan sa pagkamatay niya maliban sa pinatay siya. Ang isa rito ay maaaring naaksidente lang siya at nahulog o nadulas kasi bangin iyon at mabato pa,” dagdag pa ni Rayoso.
“Hindi chop-chop ang nangyari sa kanya. Kaya siya naghiwa-hiwalay maaring dahil lang sa mga hayop sa lugar. Wala nang laman iyong ulo niya at ribs section, pero iyong binti niya ay may laman pa na kaunti,” pahayag pa niya.



