(The author is the second eldest daughter of murdered Palawan journalist Dr. Gerry Ortega. She is a nurse presently working overseas.)

Mga salitang madalas nating naririnig mula sa mga taong nagbibigay ng pagpapahalaga sa kasayahan ng kasalukuyan. Nagmumula sa pusong nagmamahal marahil dahil nais namang makita tayong masaya o umuusad. Pero sana hindi natin isipin na ang taong nagpapatuloy ng isang mahirap na laban ay inilalaan ang kanyang oras sa isang bagay na walang kabuluhan.

Oo nga’t mahal kami ni daddy at nais niya kaming makitang nasa mabuting kalagayan, pero higit sa lahat ay nais naming bigyan ng kabuluhan ang kanyang kamatayan sa kanyang mga pinaglaban.

Labing-isang taon na mula ng patayin ang aking amang si Doc Gerry Ortega at magpahanggang sa ngayon ay naiwan tayo sa ere ng hustisya na pilit nating hinahabol. Siguro nais ko sabihin na ako’y isang taong nagpupursige ng buhay na hindi lang nais maging masaya, kundi mag bigay ng kabuluhan sa pamamagitan ng aking buhay.

- Advertisement -

Marami na akong natanggap na komento simula noon na mag move-on na nga raw. Tila suhestiyon na iwanan na itong mapait na nakaraan. Pero ang aking perspektibo rito, importante naman maging masaya pero mas importante naman ang makabuluhang buhay na hindi lamang ako nabubuhay para sa sarili kong kapakanan, kundi para na rin sa iba.

Masakit ipaglaban ang hustisya sa loob ng 11 na taon. Gaya ng sabi ng mommy ko, “Hindi naman kami nag-eenjoy” sa pakikipaglaban pero ito kasi ang tama, hindi lamang para sa amin, kundi para sa lahat. Sa lahat ng tao na maaapektohan ng pagkunsinti sa pumapatay, tumatakas sa batas, at nang-aabuso ng kapangyarihan. Mahirap siguro unawain, at minsan mahirap na rin magpaliwanag.

Napagtanto ko, tayo ay may moral obligation para iwasto ang mga maling impormasyon lalo pa’t meron naman tayong kapangyarihan para itama ito. Sa totoo lang, mas masarap maging tamad. Mas madali yung pabayaan na lang natin yung kasinungalingan ng mga tao. Masakit na rin balikan ng ang pagpatay kay dad.

Marami sa atin ang nagmanhid na kapag pinag-uusapan ang paksang pagpatay. Marahil dahil lagi natin naririnig sa balita at naubos na siguro ang ating paki at awa. Marahil, hindi natin nauunawaan kasi wala tayong kakilala na pinatay.

Karaniwan, nagkakaroon lang ng pagpapahalaga kung taong iniibig natin ang pinatay. Nanay, tatay, kapatid, anak, asawa, kaibigan, kapitbahay, o katrabaho. Yung pagiging apathetic natin, iyon ang sakit ng ating lipunan. Ang mga pagpatay kahapon ay hindi matatapos hangga’t hindi tayo nagkakaroon ng pagpapahalaga sa mga pagdinig ng kaso. Ang mensahe kasi natin sa mga pumapatay, ok lang dahil wala namang nananagot.

Tayong lahat ay kumikilos sa iisang mundo, iisang komunidad. Ang pagpatay ng isa ay maaaring banta sa kaligtasan mo o ng pamilya mo dahil tinanggap natin ang kawalang hustisya kaya uulit lang nang uulit dahil ito yung kultura na ating tinanggap at binuo. Nananawagan ako sa inyo na maging mapanuri sa mga peke at wastong balita. Kapag pinanigan natin ang mga kasinungalingan, dinaragdagan natin ang dagok sa pagkamit ng hustisya ng mga pinatay. Pinatay na nga, inapakan pa.

Makakamit natin ang pag move-on na yan kung matutuldukan natin ang kabanatang ito sa pagsisikap na makamit ang hustisya sa pag-asang kaya natin magtagumpay sa laban na ito.

Previous articlePagtatapos ng Ramadan, ginunita sa Sofronio Española
Next articleProv’l COMELEC records VCM issues during FTS