SOFRONIO ESPAÑOLA, Palawan — Nakalikom ng mahigit sa P185,000 ang 1st Palawan Provincial Mobile Force Company (1st PPMC) na naka-base sa bayan na ito mula sa lahat ng personnel nito bilang tugon sa “Bayanihan Fund Challenge” na panawagan ni Philippine National (PNP) chief Gen. Archie Gamboa.
Tinagurian din bilang “Sariling Alay ng Pulis (SAP) Para sa Mahihirap”, ang fund challenge ay inilunsad upang makatulong sa national government ang PNP sa pagbibigay ng ayuda sa “poorest of the poor” na apektado ng COVID-19.
“Tinanggap natin ang challenge ni PNP chief Gamboa at nakaipon kami ng 185,000. Ito ay naipadala na namin sa Camp Crame para makadagdag sa pagtulong sa lahat ng Pilipino na nangangailangan ng ating tulong,” pahayag ni P/Lt. Col. Eldie Bantal, and commander ng 1st PPMC.
Aniya, ang kanilang boluntaryong donasyon mula sa kanilang buwanang sahod ay hindi dahil lamang din sa panawagan ni Gamboa kung hindi dahil ibig din nilang makatulong sa mga mamamayan na nagdarahop sa panahon ng krisis dahil sa COVID-19.
Sinabi din niya na hindi lamang sila ang tumugon kung hindi marami pa sa PNP, tulad ng mga lider ng mga command group, directorial staff, police regional offices, national support units, at all-star rank officers na nag-donate ng 50 porsyento ng kanilang suweldo.