Aug 6, 2020

Misis ng namatay sa aksidente, nanawagan sa Good Heart Marketing

Ang nananawagan sa kumpanya ay si Emely Bardoc, maybahay ng biktima na si Laurencio Bardoc, residente ng Sityo Ararab, Barangay Iraan. 

RIZAL, Palawan — Nananawagan ng tulong ang asawa ng isang 51 anyos na lalaki na namatay sa aksidente sa bayan na ito mula sa Good Heart Marketing Corp.

Ang nananawagan sa kumpanya ay si Emely Bardoc, maybahay ng biktima na si Laurencio Bardoc, residente ng Sityo Ararab, Barangay Iraan.

Sinabi ni Emely na nais niyang iparating sa Good Heart na sana ay matulungan sila sa mga gastusin sa pagkamatay ng asawa noong July 7 matapos mabangga ang kanyang motorsiklo na may sidecar ng Isuzu forward vehicle truck na minamaneho ni Roberto Quires, 36.

Nangyari ang aksidente sa Ararab din mismo sa Iraan, ayon kay Emely.

Aniya, ibig sana nilang matulungan sila sa pagpapalibing ng labi ng kanyang asawa.

“Kami po ay nangungutang lang para sa mga gastusin at sa pagpapalibing sa aking asawa. Wala talaga kaming kapera-pera sa ngayon at baon din sa mga kautangan. Ako po ay boluntaryo lamang sa barangay bilang health worker, kaya wala rin akong ipon. Anim ang aking mga anak. Papaano na lang po kami?” pahayag ni Bardoc.

Ayon pa sa ginang, naisugod pa sa Dr. Jose Rizal Medicare ang biktima ngunit makalipas ang ilang minuto, binawian na ito ng buhay dahil sa samu’t sari at seryosong mga sugat at pasa na tinamo.

“Halos mawalan ako ng malay nang malaman kong wala na ang aking asawa. Napakasakit po para sa amin na kanyang iniwan,” sabi ni Emely.

Ayon din kay Jenirefer Bardoc, bunsong kapatid ng biktima, mula sa kalsada ay walang malay na ang kapatid nito hanggang sa dalhin sa ospital at bawian ng buhay.

“Wala na po siyang malay hanggang sa isakay sa ambulansiya at doon sa ospital, saglit lang po na nagmulat siya ng mata niya, pagkatapos noon, wala patay na siya” ani Jenirefer.

“Hindi po isda ang aking kapatid na makikipagtawaran sila sa amin. Buhay po ang nawala sa amin. Dahil ba sa walang lisensya ang kuya ko, ganoon na lang kung makipagtawaran sila. Kung ayaw nilang makipagkasundo, itutuloy namin ang kaso laban sa kanila. Kulang pa ang halagang iyan kumpara sa buhay ng kuya ko,” sabi ni Jenirefer.

Ang nasabing halaga na kanilang pinag-uusapan na danyos ay umabot sa P100,000. Nakikiusap umano ang kinatawan ng kompanya na ibaba sa P90,000. Ngunit nang malaman ng kompanya na walang lisensiya ang biktima, ibinaba ito sa halagang P25,000 na lang na kanilang ikinagalit.

Ayon naman sa pahayag ni punong barangay Dominador Pantalita ng Bgy. Iraan, sinabi niya na magkakaroon ng pag-uusap tungkol sa danyos.

“Napakabuti at masisipag [ang] mga ‘yan, ang sa akin lamang sana ay konsiderasyon mula doon sa kompanya para sa mga naulilang asawa at anak nitong biktima. Kaya sana maawa naman sila, kasi hindi na maibabalik ang buhay na nawala na, ang tulong na maibigay sa mga naulilang pamilya ay napakalaking tulong, kaya sana ay mahabag din ang kompanya, kahit na sabihin nating aksidente ang nangyari,” sabi ni Pantalita.

Sa ngayon, hinihintay pa ng pulisya ang resulta ng pag-uusap ng magkabilang panig kung ito ba ay sasampahan ng kaso o magkakaroon ng pag-areglo.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry