(File photo)

Nagsimula ngayong araw ang isang linggong dry run ng lahat ng tricycle operators sa bayan ng Narra para sa bagong ruta na maaari nilang daanan bilang tugon sa kautusan ng lokal na pamahalaan kaugnay sa Memorandum Circular 2020-036 na inilabas ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kung saan pinagbabawalan ang mga ito na dumaan sa mga pambansang lansangan.

Sa panayam ng Palawan News kay Sangguniang Bayan member Cenon Garcia, chairman ng Committee on Transportation, sinimulan na nilang ipatupad ang planned alternate route sa lahat ng mga tricycles sa kanilang bayan.

“One week ang dry run para makabisado nila. Bago pa man natin ito ginawa nagpa-meeting na tayo noon sa lahat ng TODA at sinabi natin na this February sisimulan ang dry run para sa kanilang ruta,” ani Garcia.

“Ito po ay bilang pagsunod sa kautusan ng DILG na tricycle is banned along national highways. Kailangang maipraktis nila ang kanilang magiging bagong ruta,” dagdag niya.

Aniya, halos wala namang pinagbago ang pagbawal sa tricycle na dumaan sa national highway dahil sa ibinigay na alternatibong ruta na maaari nilang madaanan.

“Yong mga galing southern barangays na tricycle, papasok po sila dito sa Manga Road going to Poblacion at yong mga nasa Norte naman ay papasok sa Javier college. So far, doon lang talaga iikot,” paliwanag niya

Nilinaw naman ni Garcia na papayagan namang tumawid ng kalsada ang mga tricycle sa gitna ng kalsada kung sakaling tatawid ito at rehistradong TODA ng barangay Panacan 1 at Panacan 2.

“Ang Panacan 1 at 2 TODA natin galing yan sa kabilang kalsada puwede naman silang tumawid going to Poblacion natin,” aniya.

Pagkatapos ng dry run ay maglalabas na ng approval ang kanyang committee at ang Municipal Local Government and Operation Office (MLGOO) upang simulan na ang pagpapatupad ng bagong ruta sa mga nasabing sasakyan.

 

About Post Author

Previous articleMore minors getting pregnant each year, per PSA data
Next articlePSU to regulate entry of students in campus during enrollment
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.