Negatibo sa COVID-19 ang ilang tauhan ng Palawan Police Provincial Office (PPO) sa isinagawang pagsusuri matapos na ang mga ito ay magpakita ng sintomas.
Ayon kay P/Maj. Ric Ramos, tagapagsalita ng Palawan PPO, naging maagap at mahigpit ang kanilang pamunuan sa pagtugon at pagpapaalala sa kanilang mga tauhan kaugnay sa mga protocols para makaiwas sa nakakahawang sakit.
Sa ngayon, nasa kalahati na lamang ng mga empleyado ng PPO ang pumapasok sa kanilang mga opisina alinsunod na din sa work arrangement kaugnay ng umiiral na health protocols.
“Nasa 50 percent work arrangement na ang PPO, at ang mga may underlying conditions, at mga buntis, ay naka-work from home, kasama na dito ang mga non-uniformed personnel natin. Ito ay down to the municipal level,” paliwanag ni Ramos.
Kasabay nito, mahigpit na ipinagbawal na rin ang pagtitipon na isa sa dahilan ng mabilis na pagkalat at pagkahawa ng nasabing sakit. Lagi ring ipinaaalala sa mga pulis ang standard health protocols katulad ng pagsuot ng face mask at face shield, at palagiang pagdadala ng mga personal alcohol.
“May station health unit din tayo na nagmo-nonitor ng bawat isa, reminding us to really follow the protocols. Regular ang daily diary ng mga personnel para naman ito sa contact tracing. Ito ay mahigpit na bilin ng ating provincial director na dapat sundin at gawing seryoso,” dagdag niya.
Mahigpit din ang mga pulis sa pagbabantay at pagsita sa mga checkpoint sa mga borders ng iba’t-ibang munisipyo sa lalawigan para masigurong walang mga mamamayang nakakalimot na sumunod sa standard health protocols.
“Naninita tayo para sa mga taong walang facemask at walang face shield, o mali ang pagkakasuot. At kasama na rito yong mga naka tambay lang, na umuwi at manatili sa kanilang mga bahay. Alam naman natin na naghigpit ang mga munisipyo natin lalo na sa mga dumadaan sa bawat borders na meron tayo. May contact tracing form, at scanning ng temperature para makaiwas sa pagkalat ng virus,” pahayag ni Ramos.
