Umabot na umano sa mahigit 30 katao ang nasawi habang mahigit 100 ang nasugatan matapos yanigin ng magnitude 7.8 na lindol ang katimugang bahagi ng Mindanao kahapon nang Lunes, June 8, na nagdulot din ng tsunami alerts sa ilang bansa sa Asya at Oceania.
Ayon sa mga lokal na opisyal, mayroon ding halos dalawang dosenang katao na nawawala at patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad.
Niyanig ng malakas na lindol ang Mindanao dakong 7:37 ng umaga. Ang sentro nito ay naitala sa karagatan malapit sa katimugang bahagi ng isla, dahilan upang maglabas ng tsunami alerts ang Pilipinas, Indonesia, Japan, at Australia.
Bagama’t kalaunan ay kinansela ang ilan sa mga babala, nagdulot na ang lindol ng malawakang pinsala sa iba’t ibang lugar sa Mindanao.

Mahigit 10,000 residente naman ang inilikas bilang pag-iingat dahil sa banta ng pagguho ng lupa, posibleng pagtaas ng tubig-dagat, at mga kasunod na pagyanig.
Kabilang sa pinakamalubhang naapektuhan ang lalawigan ng Sarangani, na nasa humigit-kumulang 20 kilometro mula sa sentro ng lindol. Hindi bababa sa 17 katao ang naiulat na nasawi sa lalawigan, karamihan ay dahil sa mga pagguho ng lupa.
Pansamantalang naputol din ang suplay ng kuryente at komunikasyon sa ilang bahagi ng Sarangani bago ito naibalik pagkalipas ng ilang oras.
Sa General Santos City, na pinakamalapit sa epicenter ng lindol, iniulat ng Office of Civil Defence na 10 katao ang nasawi. Mayroon ding 22 katao na nananatiling nawawala habang nagpapatuloy ang search and rescue operations.
Malubha rin ang naging epekto ng lindol sa South Cotabato at Sultan Kudarat, kung saan nagtala rin ng mga pinsala sa mga gusali at imprastraktura.
Lumabas sa social media ang mga larawan at video ng mga gusaling gumuho dahil sa lindol. Kabilang dito ang isang sangay ng Jollibee na tuluyang nagiba matapos ang malakas na pagyanig.
Sa isa namang posted na video ng Mahayahay Elementary Schoool, makikitang nag-iyakan ang mga estudyante matapos maramdaman ang lindol habang sila ay nagfla-flag ceremony. Bumagsak din ang kanilang entablado dahil sa pagyanig.
Mayroon pang ipinost na video ng isang residente kung saan makikita na napinsala din ang isang mall ng SM.
Naitala rin ang mga landslide sa ilang bulubunduking lugar sa Mindanao, na lalo pang nagpahirap sa pagresponde ng mga awtoridad.
Sa isang pahayag, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nakikipag-ugnayan na ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang mapabilis ang paghahatid ng tulong sa mga apektadong komunidad.
“The national government is moving and we will not leave Mindanao behind,” ani Marcos.
Iniutos din niya ang suspensyon ng mga klase sa mga apektadong lugar upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante at guro.
Nagkataon na tumama ang lindol sa unang araw ng pagbubukas ng klase sa maraming paaralan sa bansa.
Patuloy ding binabantayan ng mga awtoridad ang sitwasyon matapos maitala ang mahigit 130 aftershocks kasunod ng pangunahing lindol.
Ang mga kasunod na pagyanig ay may lakas na mula magnitude 1.3 hanggang 6.7.
Sa ibang bansa, nakapagtala ang Japan ng maliliit na tsunami waves sa Okinawa at sa Ogasawara Islands.
Mayroon ding naitalang mga tsunami waves sa ilang baybayin ng Indonesia, Palau, at Pilipinas. Ayon sa mga awtoridad, ang taas ng mga alon ay mula sa ilang sentimetro hanggang 1.4 metro.



