Ang pamamahagi ng Philippine Coconut Authority (PCA)_Palawan ng subsidiya sa ilalim ng Cash and Food Subsidy for Marginalized Farmers and Fisherfolks (CFSMFF) sa mga maliliit na magniniyog sa Palawan na naapektuhan ng pandemya. | Larawan mula sa PCA-Palawan

Nasa 151 magniniyog mula sa iba’t-ibang barangay ng Munisipyo ng Balabac ang nakatanggap ng kanilang 1st tranche cash subsidy mula sa Department of Agriculture (DA) at Philippine Coconut Authority (PCA) kamakailan.

Ang programang ito ay sa pamamagitan ng Cash and Food Subsidy for Marginalized Farmers and Fisherfolks (CFSMFF) para sa mga maliliit na magniniyog na naapektuhan ng pandemya lalo na ang mga nasa islang munisipyo sa lalawigan.

Ang mga benepisyaryong magniniyog ay nakatanggap ng QR code na maari nilang palitan sa M Lhuiler.

Pinangunahan ni PCA Agriculturist Gerald N. Belmonte ang pamamahagi ng ayuda, katuwang ang lokal ng pamahalaan ng Balabac.

Samantala, noong Abril 20 ay umaabot naman sa kabuuhang 573 CFSMFF QR Codes na nagkakahalaga ng P2,865,000 o P5,000 kada magniniyog ang naipamahagi sa mga bayan ng Sofronio Española na may 44 benepisyaryo, Narra, 220 benepisyaryo at Bataraza na mayroon namang 309 benepisyaryo.

Ang subsidiyang ipinamahagi sa mga munisipyong nabanggit ay para naman sa kanilang 2nd at 3rd tranche ng CFSMFF.  Ang pamamahagi nito ay pinangunahan naman nina PCA Division Chief Raul Aguilar at Senior Agriculturist Arlo Solano.

Kasabay ng pamimigay ng ayuda ay ang pagtatala ng mga magniniyog sa National Coconut Farmers Registry System (NCFRS).

Ang NCFRS ay ang opisyal na talaan ng pamahalaan upang mabigyan ng pagkakakilanlan ang mga magniniyog na Pilipino, na ginagamit na batayan sa implementasyon ng mga programa at proyekto nito.

Maaaring magrehistro dito ang mga farm owner, owner-tiller, grower, tenant/tenant worker at farm worker/laborer. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

Previous articleTravel restrictions sa San Vicente tinalakay sa isang forum
Next articleCongress needs to amend baselines law: Roque