SAN VICENTE, Palawan – Sumailalim sa tatlong araw na Mountain Search and Rescue (MOSAR) Drill ang mga responders/rescuers ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng iba’t-ibang bayan sa lalawigan ng Palawan.
Ang nasabing pagsasanay ay isinagawa sa Sitio Itabiak sa Barangay New Agutaya noong Agosto 25-27.
kabilang sa mga dumalo ang mga kawani ng MDRRMO ng San Vicente, Taytay, Quezon, Narra, Bataraza, Rizal at El Nido, mga tauhan ng Bureau of Fire Protection-San Vicente, Provincial DRRMO at Peace and Order Program.
Ang nasabing pagsasanay ay inorganisa ng League of MDRRMOs kung saan, nagsilbing tagapagsanay ang mga kawani ng MDRRMO ng bayan ng Narra.
Ayon kay Jeremias Alili, hepe ng PDRRMO, sa pamamagitan ng simulation exercises ay magagawa nang mabilis at wasto ang mga kasanayan sa oras ng kalamidad o aksidente upang makapagligtas ng buhay.
“May mga kababayan tayong mga Palaweño na posibleng mapahamak sa ating mga kalsada o mahulog sa bangin. So, hinahanda natin ang ating mga rescue teams, ang mga MDRRMOs at ibang mga kasama natin sa rescue units na masanay o ma-practice ang kanilang mga kaalaman,” paliwanag ni Alili.
“Basically ito ay review namin ng ropemanship, knot tying ‘yung paggamit ng lubid sa pagbaba at pag-akyat sa mataas na lugar o sa bangin, ang tawag natin ay high-angle rescue at ‘yung kung papaano ginagawa ang planning and assessment para kung anong klaseng strategy or mechanism ang gagamitin kapag kailangang e-extricate ang isang pasyente sa ilalim o sa itaas para dalhin sa ligtas na lugar,” dagdag pa niya.
Ipinaliwanag din ni Orlando Estoya, hepe ng MDRRMO-San Vicente, na mahalaga para sa kanilang mga rescuers/responders ang regular na pagsasagawa ng simulation drills upang hindi mawala sa isip ang mga kasanayan na kanilang inaaral sa mga pagsasanay.
“’Yung sinasabi nga ni PDRRMO Jerry Alili na ‘muscle memory’ [dapat] ay nandoon pa rin [para] in case na may mga calamities katulad ng mga accident specially diyan sa atin sa Sitio Itabiak – ‘yan ‘yung mga critical areas na kapag ka may nahulog na sasakyan ay alam na ng mga responders at rescuers natin kung papaano e-extricate ang mga victims or ang mga involved sa accident,” ani Estoya.



