Umabot sa mahigit 50 na puno ng prutas at iba pang punong kahoy ang itinanim ng mga kawani ng Brooke’s Point District Jail (BPDJ) sa Barangay Barong-Barong kamakailan lamang.
Kabilang sa mga itinanim noong September 22 ay ang mga puno ng rambutan, marang, agoho, at talisay.
Ayon kay BPDJ warden J/SInsp. Darwin Motilla, ang aktibidad ay bahagi ng patuloy na pagpapalawak ng kanilang programang “Bayanihan Puso sa Puno” upang maipakita sa komunidad ang pangangalaga sa kalikasan, at makapagbigay ng punong prutas sa mga residente na maaaring mapakinabangan at mapagkakitaan.

Isa lamang ang Barong-Barong sa nabigyan at natamnan ng mga nabanggit na puno sa ilalim ng nasabing programa. Noong mga nakalipas na buwan ay nagtanim din ang mga ito ng mga fruit-bearing trees sa Barangay Pangobilian at Poblacion at sa ilang paaralan.
“Amid the pandemic, our stewards of nature continue their passion to be an epitome of concern and love for environmental protection,” pahayag ni Motilla, Miyerkules, September 29.
Ipapaubaya naman sa komunidad ang pag-aalaga kabilang ang pagdilig sa mga ito samantalang imo-monitor pa rin ng BPDJ kung ilan sa mga ito ang mabubuhay at mapapakinabangan.
