Taliwas sa lumalaking pangamba ng ating mga kababayan hinggil sa African Swine Fever (ASF), ang virus, na nakamamatay at mabilis kumalat sa mga baboy ay hindi naman nakapipinsala sa kalusugan ng tao. Ito ang pagtitiyak mula sa iba’t ibang sangay ng pamhalaan gaya ng Department of Health (DOH), Department of Science and Technology-Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD), Department of Agriculture (DA), World Organization for Animal Health, at iba pang ahensyang may kinalaman sa kalusugan maging ng hayop at tao.
“The African Swine Fever virus is a contagious viral disease impacting only pigs, not people, so it is not a public health threat or food safety concern,” halos pare-pareho sila nang sinasabi.
Ayon naman sa World Health Organization, ang African Swine Fever ay nakahahawang sakit sa mga baboy at hindi man ito direktang nakahahawa sa mga tao, posible naman itong maisalin ng tao sa baboy ang virus kapag nakakain o nakahawak ito ng kontaminadong karne.
Higit na nakikita ang ASF bilang isang sakit na naglilimita sa negosyong pangkalakalan sa dahilang ang mga bansa o rehiyong may kumpirmado nang kaso nito ay napapailalim sa mga paghihigpit sa internasyonal o pang-rehiyong eksportasyon ng karneng baboy at iba pang mga pork product, sapagkat layon ng mga bansa o rehiyon na mabawasan ang panganib na maapektuhan din ang kanilang lugar sa pamamagitan ng naturang trade restriction.
Ano ba ang ASF?
Ang virus ay unang nakita sa Sub-Saharan Africa noong taong 1920, kahit na ang unang outbreak ay naitala sa bansang Portugal noong taong 1957. Sa kabila ng masusing pananaliksik sa mahabang panahon para makahanap ng bakuna para rito, wala pa ring opisyal na nadiskubreng vaccine na napatunayan na kayang puksain ang naturang virus.
Ang ASF ay tinukoy din bilang isang transboundary na sakit ng hayop o ang mahigit sa isang bansa o boundary ang maaaring apektado.
Ang sakit ay sanhi ng isang double-stranded na virus ng DNA na humahantong sa isang nakamamatay na hemorrhagic fever sa apektadong hayop. Kabilang sa mga sintomas ng impeksiyon ng ASF ang pagkawala ng gana sa pagkain, pamumula ng balat, pagsusuka at pagtatae. Ang pagkontrol at pag-iwas sa impeksyon ang higit na binibigyang halaga ng mga pamahalaan dahil mabilis itong makahawa at ang sakit ay mahirap na makita agad. Gayundin, ang virus na sanhi nito ay maaaring mabuhay na sa katawan ng ilang araw bago makita ang anumang karaniwang sintomas sa mga alagang baboy.
Hindi kalaunan, ang ASF ay tumalon mula sa Africa patungo sa Europa sa pamamagitan ng pag-export ng kontaminadong karne. Sa paglipas ng mga taon, ang virus ay mabilis na kumalat sa lahat ng mga bansa sa Europa, Africa, Amerika at Asya. Kamakailan lamang, ang virus ay pumasok sa mga hangganan ng Tsina – na humantong sa culling ng higit sa isang milyong baboy hanggang sa kasalukuyan kung saan apektado na rin ang ating bansa sa pagkumpirma ng DA na may kaso na ng ASF dito kamakailan lang.
“Specifically, ASF was already contained in Barangay Pritil, Guiguinto, Bulacan, and in several barangays in Rodriguez, San Mateo and Antipolo, Rizal – and not in the entire country,” ayon kay Agriculture Secretary William Dar.
Upang mabawasan ang banta ng ASF sa ibang lugar sa bansa, patuloy pa rin nakabantay ang mga ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan upang hindi na kumalat pa ang ASF virus.
Kamakailan, ipina-recall ng Food and Drug Administration ang may 30 brand ng mga processed meat pork products matapos itong magpositibo sa ASF. Karamihan sa mga produktong ito ay galing sa bansang China at pwedeng kontaminado ito ng ASF virus.
Sa mga paliparan at pantalan, bukod sa pagkumpiska mula sa mga pasahero ang dalang pork product, naglagay din ang mga awtoridad ng mga foot bath at sniffing dog. Ang mga lokal na pamahalaan naman ay nagdaraos ng mga forum para sa mga nag-aalaga ng baboy kung paano makaiiwas sa kontaminasyon ng ASF.
Bukod dito, nitong Setyembre 11 ay naglabas ang Department of Budget and Management ng P82.5-milyon, upang paigtingin ang preventivemeasure ng pamahalaan laban sa ASF.
Nakahanda na rin magpautang ang DA ng P30,000 interest-free loan, na maaaring bayaran sa loob ng tatlong taon. Bibigyan din ang mga hog raiser ng P3,000 sa bawat baboy na dumaan sa culling procedure.
Bagaman ang virus ay hindi nakakapinsala sa kalusugan ng tao, may kaugnayan ito upang mapataas ang mga hakbang sa seguridad upang maiwasan ang pagkalat ng virus–alinsunod sa mataas na rate ng infection, kakulangan ng lunas, at kakayahan ng virus na manatiling mapanganib sa kabila ng pagluluto ng karne. Nabanggit din na ang virus ay maaari pa ring mabuhay kahit sa naproseso na ang karne tulad ng pork and beans, bacon, at maling. (PIA-NCR)