Nov 29, 2020

Mga kababaihan sa Dumaran, nag-aral ng bread making

Ang pagsasanay ay serbisyong hatid ng PTF ELCAC sa ilalim ng Poverty Reduction Livelihood and Employment Cluster sa pangunguna ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa lalawigan.

Sampung kababaihan sa Barangay Tanatanaon sa bayan ng Dumaran ang nabenepisyuhan ng pagsasanay tungkol sa “Basic Bread Making” bilang bahagi ng serbisyo caravan ng Palawan Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF ELCAC) kamakailan.

Ang pagsasanay ay serbisyong hatid ng PTF ELCAC sa ilalim ng Poverty Reduction Livelihood and Employment Cluster sa pangunguna ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa lalawigan.

Katuwang dito ng TESDA ang Department of Trade and Industry (DTI)-Palawan Office at iba pang ahensiya ng gobyerno na miyembro ng PRLE Cluster.

Si Mitzi Gaile G. Lopez ng Puerto Princesa School of Arts and Trade (PPSAT) ang nagsilbing tagapagsanay para matuto ang mga kababaihan ng Dumaran sa loob ng dalawang araw.

Ayon kay Lopez, 10 lang ang naunang sinanay dahil maliit lang ang lugar na pinagdausan nito at kinakailangan ding sundin ang health protocol na ipinatutupad ngayong may pandemya ng COVID-19.

Sa pagtatapos ng pagsasanay, ang lahat ng lumahok ay tumanggap ng livelihood starter kits o mga kagamitan sa paggawa ng tinapay mula sa DTI-Palawan na personal na iniabot ni OIC-provincial director Hazel DP Salvador.

Nangako naman si TESDA provincial director Richard Amparo na sisikapin ng TESDA-Palawan na mabigyan din ng mga pagsasanay ang iba pang kababaihan sa nasabing barangay sa mga susunod na panahon upang matulungan sila sa kanilang paghahanapbuhay.

Ang pagsasanay sa paggawa ng tinapay ay isa lamang sa mga serbisyo naihatid ng PTF-ELCAC sa isinagawang serbisyo caravan sa Brgy. Tanatanaon. (PIA)

 

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry