Naglabas ng kautusan ang lokal na pamahalaan ng bayan ng Cuyo na nagsaasaad na kailangang sumailalim sa limang araw na facility-based quarantine ang mga biyahero na pupunta sa bayan na manggagaling sa Lungsod ng Puerto Princesa at iba pang bayan sa lalawigan ng Palawan, kahit ang mga ito ay fully-vaccinated na.
Inilabas ang kautusan sa pamamatigan ng Resolution No. 23 ng Municipal Inter-Agency Task Force on COVID-19 (MIATF) na nilagdaan ni Mayor Mark delos Reyes noong araw ng Huwebes, October 21.
Ang nasabing kautusan ay magtatagal hanggang sa November 30.
Ayon sa kautusan, ang biyahero ay kailangang sumailalim sa facility-based quarantine kung ang pamilyang uuwian nito sa Cuyo ay hindi pa nababakunahan laban sa COVID-19.
Limang araw na home quarantine naman ang inirekomenda kung ang pupuntahang pamilya ay fully vaccinated na rin.
Dagdag pa rito, ang mga byahero ay kailangan ding sumailalim sa Rapid Antigen Test (RAT) kung ito ay makakakitaan ng anumang sintomas gn COVID-19 pagkatapos ng limang araw na quarantine.
Samantala, nakapaloob din sa polisiya ang mga iba’t-ibang travel requirements protocol para sa mga uuwi sa Cuyo na hindi pa bakunado, kabilang ang travel coordination permit (TPC) galing sa S-Pass application, LGU acceptance at barangay endorsement.
“For unvaccinated, seven days home/facility-based quarantine and Rapid Antigen testing on their 7th day after quarantine are required,” saad ng resolusyon.
