Isinailalim na sa inquest proceedings para sa kasong murder ngayong araw ng Lunes, January 4, si Alyas “Waway,” ang menor de edad na itinuturong sumaksak at pumatay sa isa pang menor de edad na lalaki habang nasa inuman ito sa KinaBoyet Resto Bar sa Puerto Princesa City Baywalk sa Barangay Bagong Pag-asa.

Kasamang na-inquest ni Alyas “Waway” si Alyas “Ar-Ar” na sinasabing kasabwat nito noong gabi ng January 2, sa ginawang pananaksak.

Ang inquest proceeding ay isang informal at summary investigation na isinasagawa ng public prosecutor sa isang kasong kriminal.

Sa panayam  ng Palawan News sa hepe ng Police Station 1 (PS1) na si P/Cpt. Ray Aron Elona, sinabi nito na maliban sa kasong kinakaharap ng suspek sa ngayon, may mga kinasangkutan pa itong naunang mga krimen.

Nagiging malakas din ang loob ng mga suspek umano dahil sa kanilang mga edad, pahayag niya.

- Advertisement -

Siniguro rin ng PS1 na mapaparusahan ang suskpek na itinuturing ding isa sa nagdadala ng gulo sa lungsod.

“Itong suspek natin, na-involve na ito multiple times sa iba’t-ibang gulo at krimen dito sa Puerto. Lagi na din yan dito sa station. May curfew, nasangkot sa mga away. Marami na rin talaga siyang record. Ang disadvantage lang kasi dito ay nagagamit nila ang kanilang mga edad para makatakas sa mga crime na nagawa nila, saka yung mga biktima din na walang interest na mag-file ng kaso sa mga ito,” pahayag ni Elona.

“Sinisiguro namin na maibibigay namin ang karapat-dapat na parusa sa kanila na kinu-consider natin na nagdadala ng gulo dito sa ating area,” dagdag niya.

Ayon sa ina ng bata na si Mary Ann Guillermo, nagsisisi naman ang menor de edad sa kanyang nagawa.

“Umiyak siya, sabi niya nagsisisi siya. Kapag nakalabas daw po siya sa kulungan, magpapakabait na siya, magbabago na daw po siya,” pahayag ni Guillermo.

Mananatili pansamantala ang dalawang suspek sa PS1 habang hinihintay pa ang order of commitment mula sa korte.

“Since minor sila, hindi natin sila puwedeng ikulong sa custodial facility, rather doon sila mapupunta sa Bahay [ng] Pag-asa,” saad ni Elona

“Ang layunin ng Bahay ng Pag-asa ay for transformation. Dito ikinukunsider pa rin natin na posible pa rin silang magbago. Depende na din sa facility at sa court kung anu ang kahihinatnan ng mga suspek, depende sa kanilang observation sa magiging performance ng suspek,” ayon sa kanya.

 

 

Previous articleRedundant traffic signages along Roxas Street; City dads want answers
Next articleSuspended DepEd chief back at Palawan division office
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.