Tinatayang nasa 50 pamilya, kabilang ang mga grupo ng senior citizens, may kapansanan, at buntis, ang nakatanggap ng ayuda na ipinamahagi ng 3rd Marine Company (3rd MC) ng Marine Battalion Landing Team-3 (MBLT-3) sa pamamagitan ng kanilang programang “Damayan para sa Kapwa” sa Barangay New Guinlo, sa bayan ng Taytay noong araw ng Huwebes, Mayo 6.
Karamihan sa residente ay pagtatahong ang kabuhayan kung kaya’t sila ay lubhang naapektuhan ng pandemya at ganoon din ng pagkakaroon ng red tide sa Inner Malampaya Sound na nagsimula noong Disyembre 2020 at nagtagal hanggang Marso, ngayong taon.
Nagpasalamat naman ang MBLT-3 sa mga taong patuloy na sumusuporta at tumutulong sa kanilang programa, partikular sa Queens in Action, isang samahan ng mga beauty queen sa Taytay, na nitong huli ay tumulong sa pamamahagi ng ayuda.
Nagpahayag naman ng patuloy na suporta sa komunidad si Cpt. Dennis Sadlay, Civil Military Operations (CMO) officer ng nasabing battalion, sa pamamagitan ng kanilang mga programa. “Asahan niyo lagi na ang MBLT-3, katuwang ang mga LGUs, LGAs, NGOs, Civil Society Organizations at iba pang stakeholders ay patuloy na maglilingkod ng buong puso at ng walang pag-iimbot sa ating mga kababayang Palaweño,” ani Sadlay.
