Isang coastal cleanup ang isinagawa ng Marine Battalion Landing Team-3 (MBLT-3) sa mga baybayin ng mga barangay ng Tinitian at Jolo sa bayan ng Roxas, bilang pagdiriwang ng Araw ng mga Puso nitong araw ng Lunes, Pebrero 14.
Katuwang ang mga opisyales at mga residente ng dalawang barangay, Department of Social Welfare and Development-4Ps, at Kabataan Kontra Droga at Terorismo (KKDAT), ay isinagawa ang nasabing coastal cleanup drive upang ipakita at ipadama ang pagmamahal sa kalikasan.
Ayon kay Cpt. Dennis Sadlay, ang civil military officer ng MBLT-3, layunin din ng naturang aktibidad na itaguyod ang pangangalaga at pagmamahal sa kalikasan.

“Sa halip na ipagdiwang ng mga tropa ng MBLT-3 ang Araw ng mga Puso ay minabuti namin na ialay ang aming mga oras sa walang humpay na paglilingkod, upang sa ganitong paraan ay maipakita natin ang tunay na pagmamahal at pangangalaga sa ating kalikasan at mga likas na yaman,” pahayag ni Sadlay.
“Asahan niyo lagi na ang MBLT-3 ay hindi lamang kaagapay ng bawat komunidad sa pagpapanatili at pagpapaigting ng katahimikan at kapayaan sa ating bayan, subalit katuwang din sa pangangalaga at pagmamahal sa kalikasan,” dagdag niya.
Ang MBLT-3 ay nasa ilalim ng pamumuno ni Maj. Ryan Lacuesta.



