Inaresto ng mga awtoridad sa Sitio Bukal-Bukal, Barangay Guadalupe sa Coron, Miyerkules ng madaling araw, ang dalawang magkapatid na lalaki matapos mabilihan sila sa anti-illegal drugs buy-bust operation ng tuyong marijuana at madiskubre ang kanilang mga tanim nito.
Kinilala ni P/Maj. Thirz Starky Timbancaya, hepe ng Coron Municipal Police Station (MPS), ang mga suspek na sina Patrick Adeva Jesalva, 23, at Jhon Kaisser Adeva Jesalva, 21, na kapwa residente ng nasabi rin na barangay.
Ayon kay Timbancaya, may marijuana home garden ang mga Jesalva na maaaring magpabigat ng kanilang kaso na may kinalaman sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (Republic Act 9165).
Sabi niya, personal niyang isinailalim sa surveillance ang magkapatid matapos makatanggap ng tip sa dating nakasama ni Patrick sa kulungan. Dati na kasi itong nakulong dahil sa pagbebenta ng shabu.
“Two weeks na personal ko silang na-surveillance kasama yong kontak ko para makadikit kami doon sa aming target. Ang tumimbre dating galing din sa kulungan, dati niyang mga kasamahan. Itong si Patrick ay nakulong na sa kasong shabu. Ngayon, nag-divert siya marijuana naman dahil wala silang makuhang shabu kaya marijuana naman ang pinagkaabalahan nila,” pahayag ni Timbancaya sa Palawan News.

Bukod sa mga nadiskubreng tanim ng marijuana sa pag-iingat ng Jesalva brothers, meron pang iba na nailipat ng lugar ng isang alyas “Nega” na itinuro na lider ng sinasabing Nega Hashtag Gangster Group.
Hindi nila ito inabutan sa lugar kaya magsasagawa pa sila ng follow operation, sabi ni Timbancaya.
“May lumutang na pangalan alias Nega or Negra? Lider daw siya ng gang, yon ang pinalalabas nila. Nega Hashtag Gangster Group nagkataon lang na hindi ko inabutan sa lugar nila kaya ang magkapatid ang nakuha ko, pero talagang ang lalaki ng tanim nila. Mayroon pang ibang area na pinaglipatan hindi namin agad nasundan pero mayroon kaming kinakasang follow-up for possible retrieval ng iba pang marijuana,” sabi niya.
Sabi pa ni Timbancaya, modus ng grupo ang magtanim ng marijuana at ibenta ito sa mga parokyano. Maaring noong nakaraang taon pa sinimulan ang pagtatanim ng marijuana ng grupo.
Hindi naman nila ito nabigyan agad ng atensyon sa Coron MPS dahil naging abala sila sa COVID-19 nang isailalim din ang Palawan sa quarantine.
“Ang istilo nila ngayon ay nagpapatuyo sila at kapag medyo may parokyano na, namimili na. Ang taas ng marijuana ay mga dalawa o tatlong dangkal nakalagay sa paso. Ibinibenta nila ng buo ang halaman, yon ang modus nila ngayon,” pahayag niya.
“Tanim benta ng marijuana — nagstart sila last year pa daw hindi lang namin gaanong nache-check gawa ng naka-focus kami sa COVID situation, at the same time, hindi ko gaanong napapansin itong about sa marijuana pero dahil naging alarming dahil sabi madami nagbebenta ng marijuana,” dagdag niya.