Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi magsisinungaling ang kanyang anak na si House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos Jr. kaugnay ng isiniwalat nitong umano’y pagtatangka ng ilang personalidad na kontrolin ang mahahalagang posisyon sa gobyerno kapalit ng suporta sa presidential bid ng Pangulo noong 2022.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro nitong Lunes, direktang tinanong niya si Marcos tungkol sa pahayag ng kanyang anak at tiniyak umano ng Pangulo na mapagkakatiwalaan ang salaysay nito.
“Actually tinanong ko rin mismo si Pangulo kanina, at ang sabi lamang niya sa akin ay he has raised his kids well and his son, Cong. Sandro will not lie,” ani Castro sa briefing sa Malacañang.
Tumanggi naman si Castro na tukuyin ang mga personalidad na tinukoy ni Sandro Marcos, na hindi rin pinangalanan ng kongresista sa kanyang panayam.
Ayon kay Castro, nirerespeto niya ang desisyon ng mambabatas na huwag munang pangalanan ang mga taong umano’y humiling ng kontrol sa pagpili ng executive secretary, Senate president, House speaker at iba pang matataas na opisyal kapalit ng suporta kay Marcos noong 2022.
Inihayag ni Sandro Marcos nitong weekend na siya at ang kanyang ama ay nagtungo noon sa Malacañang upang humingi ng endorsement mula kay dating Pangulong Rodrigo Duterte. Sa halip na si Duterte lamang, sinabi niyang tatlong personalidad ang kanilang nakaharap matapos silang maghintay nang ilang oras.
Ayon sa kongresista, isang incumbent official umano ang nagsabi na susuportahan si Marcos kapalit ng karapatang pumili ng ilang pangunahing opisyal ng gobyerno.
Iniugnay ni Sandro Marcos ang naturang insidente sa tinawag niyang power struggle na kalaunan ay naging dahilan ng pagkasira ng UniTeam alliance nina Marcos at Vice President Sara Duterte.
Sinabi naman ni Castro na maaaring nakita mismo ni Sandro Marcos ang mga pangyayaring nagbigay sa kanya ng batayan para sabihin na may naganap na power struggle.
“Sa ating palagay, nakita mismo ni Congresman Sandro Marcos ang sitwasyon kung bakit niya ‘yan nasabi,” ani Castro.
Dagdag niya, maaaring may mga kahilingan mula sa ilang grupo na hindi pinagbigyan ng Pangulo dahil hindi umano ito naaayon sa interes ng bayan at paggamit ng pondo ng gobyerno.
“Kaya sinasabi na may power struggle dahil may mga grupo na gustong manatili sa posisyon at hawakan ay kontrolin ang Pangulo at hindi ‘yun pinayagan ni Pangulong Marcos Jr.,” sabi ni Castro.
Samantala, sinabi ng Presidential Communications Office na maaaring bahagi ng power struggle ang umano’y pagtatangkang kontrolin ang Pangulo o alisin siya sa puwesto.
Hindi naman sinabi ni Castro kung tinanong niya si Marcos kung sinu-sino ang mga personalidad na umano’y humiling ng kontrol sa mga pangunahing appointment noong 2022.



