Ilang mga anti-mining na mamamayan ng bayan ng Brooke's Point ang nagsagawa ng motorcade rally upang ipahayag ang pag suporta ng mga ito kay Mayor Mary Jean Feliciano sa pagtutol nito sa pagmimina.

BROOKE’S POINT, Palawan — Hiniling ng mamamayan ng bayan na ito sa Ombudsman na bawiin nito ang desisyon ng pagsuspende kay Mayor Mary Jean Feliciano bunga ng mga kasong isinampa ng Ipilan Nickel Corporation.

Ang kahilingan ay ipinarating ng mga mamamayan sa Ombudsman sa pamamagitan ng isang petition kung saan, humigit-kumulang 13,000 ang lumagda.

Ang petition ay bahagi pa rin ng pagsuporta ng mga mamamayan sa ipinaglalaban ni Mayor Feliciano sa pagtatanggol sa kalikasan at sa kanyang polisiyang “no to mining” sa Brooke’s Point.

“Kaming mga mamamayan ng bayan ng Brooke’s Point ay naniniwalang kayang patanitilihing first class ang aming munisipyo at kaya  naming mas lalong umunlad nang wala ang pagmimina sa aming bayan,” ayon sa petition.

Nagpahayag ang mga mamamayan ng pangamba sa pinsalang dulot ng malawakang pagkasira ng kalikasan mula ng mareinstate ang Mineral Production Sharing Agreement ng INC hanggang sa April 10, 2025, kung saan ay nakasaad na 2,835 hektaryang miminahin sa kabundukan ng bayan.

“Kapag nasimulan na nilang minahin ang 2,835 hektarya ng kabundukan ng aming bayan,  hindi na nila ito titigilan hanggang hindi  nauubos ang mga minerals sa aming bayan,” pahayag ni Angie Dalisay, isang kabataang aktibo sa pakikipaglaban para sa kalikasan.

“At pagkatapos ay iiwanan na lamang nila ito kapag wala na silang makukuha at siguradong hindi na mapipigilan pa ang pagbaha at wala na ring magiging maayos pang ani ng aming mga bukirin.  Masisira ang aming watershed kaya wala nang maiinom na malinis na tubig balang araw,  magkakasakit ang mga taong iinom ng maruming tubig,  Paano na kaming mga kabataan at susunod pang
henerasyon?” dagdag niya.

“Tumututol kami sa pagmimina dahil nais naming mapanatiling first class ang aming bayan sa pamamagitan ng pananatili nitong clean,  green, beautiful  at sustainable  and mining free. We are a food basket capital dahil dito sa aming bayan nanggagaling ang mga pagkain tulad ng prutas at mga bigas na isinusustain sa buong lalawigan ng Palawan. Kapag wala nang maayos na daloy na tubig,  paano na ang supply ng bigas? Paano na kaming mga magsasaka? ” ayon naman kay Pepito Ortiz isa sa mga magsasaka.

Sa panayam ng Palawan News kay Sangguniang bayan Victor Colili, Indigenous Peoples Mandatory Representative ng Brooke’s Point,  sinabi nito na wala umanong ibinigay na pahintulot o  Prior and Informed Consent  (FPIC) ang mga katutubo  para minahin ang kanilang lupang ninuno.

“Tahasang paglabag at paglapastangan sa karapatan ng mga katutubo ang kanilang ginagawa dahil nakasaad sa Indigenous Peoples Rights Act, walang anumang proyekto o programa ang gawin at ipatupad sa loob ng  lupaing ninuno nang hindi dumaan sa proseso ng FPIC,” ani Colili.

“Sa mayabong na  kalikasan at lupaing ninuno ng bayan ng Brooke’s Point nakasalalay ang aming buhay at buhay ng aming mga anak hanggang sa susunod na henerasyon. Dito rin nakasalalay ang mga mag pagkain na nakukuha sa dagat, bukid  mula sa maayos na kalikasan. Hindi mina ang  buhay namin kundi kalikasan,” pahayag ni Rowena Combang ng Pala’wan women’s group Mga Kalebonan et BICAMM (MKE-BICAMM).

Previous articleEDITORIAL: Raising reproductive health awareness among Palawan youth
Next articleGraduation blues
is the correspondent of Palawan News in Brooke's Point, Palawan. She covers politics, health, government policies, tourism, and sports. Her interests are exploring different places, singing, gardening, reading bible and eating.