Ang mga miyembro ng Maghali Association kasama ang mga empleyado ng DOST- Romblon Provincial Office at ang kinatawan ng Universal Commercial (UNICOM) Corporation, supplier ng Compact Impeller Ricemill. (Larawan mula kay Ace Diocadez ng DOST-Romblon)

ODIONGAN, Romblon — Isang makabagong makinang gilingan ng bigas na kung tawagin ay “compact impeller ricemill” ang pinagkaloob ng DOST-MIMAROPA sa Maghali Assocation ng Barangay Anahao  sa pamamagitan ng DOST-Provincial Science and Technology Center sa Romblon.

Ang makabagong kagamitan mula sa DOST ay natanggap ng isang grupo ng mga magsasaka sa Odiongan, Romblon para makatulong sa maliit na negosyo ng pagsasaka sa kanilang barangay.

Ayon kay Provincial Director Marcelina V. Servañez ng DOST-Romblon, ang pagkakaroon ng nasabing makina sa probinsya ay makakatulong sa produksyon ng brown rice sa lalawigan.

“May options kasi itong makina, kaya maliban sa well-milled rice o maputing bigas, nagagawa rin ng compact impeller ricemill na mag-produce ng brown rice,” pahayag ni Servañez.

Aniya, may tiwala siyang magagamit nang maayos ang gilingan ng palay at makakatulong ito para umunlad ang buhay ng mga miyembro ng Maghali Association, isang asosasyon na nasa ilalim ng Agrarian Reform Beneficiaries’ Organization (ARBO) ng Kagawaran ng Repormang Pansakahan.

“Nakipagtulungan tayo sa Department of Agrarian Reform (DAR) para mabigyan ng pangkabuhayan ang 222 miyembro ng Maghali Association, at ito na ang naging produkto. Gusto natin na ‘yung mabigyan ng grant ay ‘yung mga may ‘entrepreneurial mindset’ para naman hindi masayang ang mga binibigay sa kanila ng gobyerno,” dagdag ni Servañez.

Ang Compact Impeller Ricemill ng Universal Commercial (UNICOM) Corporation kasama ang timbangan at iba pang accessories ay nagkakahalaga ng P600,000. Ang nasabing ricemill ay kayang gumiling ng limang kaban o 250 kilo ng palay sa bawat isang oras.

Samantala, nagpapasalamat naman sa DOST-Mimaropa si Pastor Eleazar Escarilla, pangulo ng Maghali Association, dahil malaki aniyang tulong ang nasabing ricemill hindi lamang sa mga miyembro ng asosasyon kundi gayun na rin sa mga hindi miyembro dahil maari umano silang magpagiling ng kanilang mga palay sa mura lamang na halaga.

Maliban sa grant na nabigay ng DOST-Mimaropa sa Maghali Association, may napagkalooban rin sila ng grant sa mga bayan ng San Fernando sa Sibuyan Island at Concepcion sa Sibale Island sa pamamagitan ng iba pang proyekto. (PJF/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Previous articleTulay ng Lumintao, sasailalim sa rehabilitasyon
Next articleFarmers encouraged to say their observation regarding tarrification law